VP Robredo binira 'biased' na absolute pardon ni Duterte kay Pemberton
MANILA, Philippines — Hindi nagustuhan ng ikalawang pangulo ang paggawad ni Pangulong Rodrigo ng "absolute pardon" kay ex-US marine Joseph Scott Pemberton, na napatunayang pumatay sa transgender Filipina na si Jennifer Laude noong 2014.
"Patas at makatarungan ba ang naging desisyong ito? Libo-libo ang nakakulong pa rin dahil walang pambayad sa abugado. Hindi malitis-litis ang kanilang mga kaso. May mga pamilya silang nagugutom, nagkakasakit, at naghihirap," sambit ni Vice President Leni Robredo
"Pemberton had lawyers, special detention facilities, a quick, public trial, and an appeal. Ngayon, lalong luminaw na mayroon din siyang resources para masigurong mabibigyang-pansin ng mismong Pangulo ang kaso niya."
[A] Pahayag ni VP Leni Robredo sa Pagbibigay ni Pangulong Duterte ng Absolute Pardon kay US Marine Joseph Scott...
Posted by VP Leni Robredo on Monday, September 7, 2020
Tinutukoy ni Robredo ang espesyal na detention facility sa Camp Aguinaldo na ibinigay kay Pemberton sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA), kahit "guilty" na ang hatol sa kanya ng korte ng Pilipinas.
Kahapon nang kumpirmahin nina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at presidential spokesperson Harry Roque ang hakbang na ito ni Duterte, bagay na bumubura sa kanyang parusa.
Paliwanag ni Digong kagabi, hindi raw kasi patas ang pagpiit kay Pemberton lalo na't wala raw record na makapagsasabing maganda o pangit ang inasal ng mamamatay-tao sa kulungan. Dahil diyan, ipinagpalagay na lang niyang naging mahusay ang asal niya sa loob dahil wala naman daw nakarating na reklamo sa pangulo hinggil sa kanyang pag-uugali.
"The Marines could have reported if it were otherwise to the Secretary of Justice or to the police, to the PNP, na itong tao na ito magulo, parang lasing araw-araw, nagsisigaw ganun," wika ni Duterte sa isang talumpati, Lunes nang gabi.
"In fairness, tapos na ‘yung kuwentada, he was recommended to be released, ‘di i-release mo."
Una nang inutos ng Olongapo court na dapat mapalaya si Pemberton mula sa kanyang pasilidad sa pamamagitan ng good conduct time allowance (GCTA), bagay na kwinekwestyon ngayon ng pamilya Laude dahil wala namang ibang preso na nakasalamuha ang dating sundalo para matiyak na maganda ang kanyang inasal.
Mas deserving ng pardon ang iba?
Sambit tuloy ni Robredo, "biased" o tila may pagpanig si Duterte kay Pemberton kahit na sana'y naibigay na ang pribilehiyong ito sa mga Pilipinong nakakulong pa rin ngunit mas magagaan ang kaso.
"Isa lang ang kasong ito sa maraming patunay ng pagkiling sa makapangyarihan na nakikita natin mula sa pamahalaan. Napakaraming mga Pilipino na mas magaan ang sala, ngunit hindi nabibigyang-pansin o nabibigyan ng ganitong uri ng pribilehiyo," sabi pa ni VP Leni.
"Ang nakikita natin: Kapag mahirap, may parusa; kapag mayaman at nasa poder, malaya."
Hinahamon tuloy ng ikalawang pangulo si Duterte na gamitin ang kanyang kapangyarihan na mas mapapakinabangan ng karaniwang Pilipino kaysa mga banyagang maimpluwensya.
Umaasa ngayon sina Rowena Flores, abogado ni Pemberton, na mapapalaya ang kanyang kliyente pagsapit ng Biyernes. — James Relativo
- Latest