2 Pinoy patay sa pagsabog sa Beirut, Lebanon; 6 iba sugatan
MANILA, Philippines — Dalawang Pilipino naiulat na namatay matapos ang dalawang malalakas na pagsabog sa Beirut, Lebanon noong Martes, pagkukumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Nangyari ito matapos mamatay ang nasa 73 katao sa pagsabog ng 2,750 toneladang ammonium nitrate na kinumpiska ilang taon na ang nakalilipas, sabi ni Lebanon Prime Minister Haswsan Diab. Sumabog ito sa isang warehouse malapit sa shopping at nightlife districts ng lungsod.
Ang ikalawang pagputok ay nagdulot ng malaking bolang apoy sa kalangitan, na sinundan ng mala-buhawing shockwave na pumatag sa pantalan. Winasak nito maging ang mga binatana ilang kilometro pa ang layo.
"Ayon sa huling ulat ng Embahada ng Pilipinas, dalawang Pilipino ang naiulat na namatay at anim ang sugatan. Lahat ay nasa bahay ng kanilang employer noong nangyari ang pagsabog," ani DFA Assistant Secretary Ed Menez sa Inggles, Miyerkules.
Nakikipag-ugnayan na ang embahada sa Filipino community sa Lebanon para mag-abot ng tulong sa mga Pinoy na mangangailangan ng tulong.
"Pinapayuhan ang lahat ng ating mga kababayang Filipino na makipag-ugnayan sa Embahada para sa anumang tulolng kasunod ng pagsabog ng ika-4 Agosto 2020," pahayag ng Embahada ng Pilipinas sa Lebanon.
#PAKIUSAP Tumawag lamang sa mga sumusunod na numero
Posted by Philippine Embassy in Lebanon on Tuesday, August 4, 2020
Ayon kay Menez, tinatayang nasa 33,000 Pilipino ang nakatira sa Lebanon. 75% sa kanila ay matatagpuan sa Greater Beirut area.
Nagpaabot naman ng kanilang pakikiramay ang Migrante International sa nangyari.
"Nakikidalamhati kami sa kanilang mga mahal sa buhay sa panahong ito," ayon sa Migrante.
"Nananawagan ang Migrante International sa pamahalaang Duterte na iabot ang kinakailangang tulong sa kanilang mga pamilya maging sa mga sugatang nakaligtas sa pagsabog."
BREAKING: 2 Filipinos dead, 6 injured in Beirut, Lebanon explosion earlier today, the DFA confirms. (CNN) Our hearts...
Posted by Migrante International on Tuesday, August 4, 2020
Ipinangako naman ni Diab na magbabayad ang mga nasa likod ng nanyari. Aniya, hindi nila ito palalampasin. — James Relativo at may mga ulat mula kay Patricia Lourdes Viray at AFP
--
Para sa mga Pilipinong kakailanganin ng tulong, maaaring abutin ang Embahada ng Pilipinas sa mga sumusunod na numero:
- Telepono – +961 3859430, +961 81334836, +961 71474416, +961 70681060 and +961 70858086
- E-mail – [email protected]
- Facebook – Philippine Embassy in Lebanon
Related video:
- Latest