^

Bansa

Binay sa DOTr: Mag-commute kaya kayo ngayong GCQ, ang labo ng plano niyo

James Relativo - Philstar.com
Binay sa DOTr: Mag-commute kaya kayo ngayong GCQ, ang labo ng plano niyo
Pinasakay na lang sa likod ng trak ng gobyerno ang ilang "stranded" commuters sa Commonwealth Ave., ika-1 ng Hunyo, dahil sa kawalan ng masasakyan sa unang araw ng Metro Manila GCQ.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Kinastigo ng isang senadora ang aniya'y kawalan ng malinaw na plano ng gobyerno sa transportasyon ngayong balik-trabaho na ang marami kasabay ng pagluwag ng lockdown measures kontra coronavirus disease (COVID-19).

Ngayong inilagay kasi sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, kakarampot pa lang kasi ang pampublikong transportasyon na pinapayagan, dahilan para maglakad o magbisiklete nang kilo-kilometro ang mga empleyado't manggagawa.

Ang ilan, pinasakay na lang tuloy ng gobyerno sa mga siksikang trak — kung saan imposible ang physical distancing kontra COVID-19.

"Ano ba talaga ang plano ng DOTr sa commuters?" tanong ni Sen. Nancy Binay sa Department of Transportation (DOTr), Martes. Aniya, tatlong buwan ang itinagal ng enhanced community quarantine pero wala pa rin daw "malinaw" na plano pagdating sa ligtas na pampubliko transportasyon.

"Mabuti sila't aircon ang mga sasakyan. Eh kung subukan kaya ng mga opisyal ng DOTr mag-commute mula sa kani-kanilang bahay papasok sa opisina nila (sa Clark City o Ortigas)?"

Ilan sa mga commuter ay naiulat na inabot nang halos anim na oras bago nakaabot sa opisina, o 'di kaya'y kinailangang gumising nang 3:00 a.m. Ang ilan, hinimatay pa.

Meron namang two-phased plan ang DOTr kung paano ibabalik ang pampublikong transportasyon. Gayunpaman, bawal pumasada ang abot-kayang jeepney, habang 'di hamak na mas mahal ang pinapayagang taxi, point-to-point (P2P) buses at transport network vehicle services (TNVS).

Nasa 10% hanggang 12% lang ng kapasidad ng MRT, LRT at Philippine National Railways (PNR) ang pinapayagang sumakay ng tren, habang sa ika-22 ng Hunyo pa papayagan ang mga bus at UV Express.

Hindi pa rin natitiyak kung kailan papayagan ang paglabas-masok ng mga provincial buses sa Kamaynilaan, kahit na maraming nasa kalapit na probinsya ang nagtratrabaho sa National Capital Region (NCR).

"Dapat maramdaman nila [DOTr officials] ang hirap na pinagdadaanan ng mga commuter. They won't be able to plan well if they don't feel and understand the people's daily struggles," dagdag ng senadora.

"Napaka-unfair sa commuters na yung mga private vehicles walang restrictions bumyahe. Napaka-limitado ng choices nila."

Alam naman daw ng gobyerno na manunumbalik sa trabaho ang nasa 30% ng mga nakatira sa NCR simula ika-1 ng Hunyo, pero ang libreng sakay na "lumalabag" sa health protocols ang itinalaga sa kalsada.

Una nang humingi ng pag-intindi si DOTr Secretary Arthur Tugade sa dinadas na kalbaryo ng mga komyuter. Gayunpaman, para naman daw ito sa kapakanan ng nakararami.

"Magkapit-bisig tayo at intindihin natin ang estado ng sitwasyon," ani Tugade, at sinabing pansamantala lang ang sakripisyong ito.

"Meron hong plano... Sa aming paglunsad at pag-ganap ng mga planong ito, natural mayroong mga taong mai-inconvenience."

Bago pa man magkaroon ng lockdown, dati nang hinamon ng mga militanteng grupo si noo'y presidential spokesperson Salvador Panelo na mag-commute papuntang trabaho, matapos niyang sabihing "walang krisis" sa transportasyon ang bansa.

Inabot nang halos apat na oras si Panelo bago makarating ng Malacañan sa nasabing challenge.

Jeepney ban 'hindi realistiko'

Samantala, sinopla rin ni Binay ang pagbabawal ng DOTr sa pagpasada ng mga jeep, bagay na anti-masa sa kanyang pananaw. Hindi rin daw lahat ng nagtutungo ng trabaho ay dumaraan ng EDSA o Commonwealth, kung saan dumaraan ang MRT at iba pang moda ng transportasyon.

"Yung pagba-ban ng jeepneys sa kalsada ay unrealistic, anti-commuter at anti-worker," wika ng mambabatas.

"Obviously, DOTr is favoring a certain segment of the mass transport sector, while ignoring and isolating the biggest public transport segment which the majority of the commuting public depend on."

Kahapon nang iprotesta ng grupong PISTON ang pagbabawal sa mga jeepney na bumiyahe, bagay na tila nagpapabilis din daw sa proseso ng "jeepney phaseout."

Ipinasilip din ng militanteng grupo ng mga tsuper ang plano nilang gawin sa kani-kanilang sasakyan para mapanatili ang social distancing sa mga pasahero, kontra hawaan ng nakamamatay na virus.

Nilagyan nila ng plastic barrier ang mga magkakatapat na pasahero habang nilagyan ng magkahalayong "ekis" ang mga upuan na maaaring kalagyan ng mga komyuter.

"[Ginawa namin ito] para muling makapaghanap-buhay ang mga driver, at makarating ang mga manggagawa't kawani sa mga empresa't opisina nila," sabi ng PISTON sa kanilang pahayag, Lunes.

BUS

COMMUTE

DEPARTMENT OF TRANSPORTATION

GENERAL COMMUNITY QUARANTINE

JEEP

NANCY BINAY

PUBLIC TRANSPORTATION

TRANSPORTATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with