Curfew sa Metro Manila ipapatupad
MANILA, Philippines — Ipapatupad simula ngayong araw ang siyam na oras na curfew sa Metro Manila sa gitna ng pangamba ng pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, napagkasunduan ng 17 Metro mayors na magpasa ng resolusyon para sa ipatutupad na curfew na epektibo ngayong alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw at magtatagal ito hanggang Abril 14.
Mayroon namang exemption ang naturang curfew hours at hindi kasama rito ang mga employees, health at medical workers, supply chains at ang mga bibili ng pagkain at gamot.
Ang mga itinuturing namang non-essentials na mga aktibidad ay mahigpit na ipagbabawal gaya nang pagbisita sa mga kaibigan, pamilya, pupunta sa mga parties at gimmicks.
Kasama rin sa resolusyon ang temporary closure ng mga gimikan tulad ng bars at iba pang entertainment shops, malls na bilihan ng mga damit at goods na hindi naman importante habang ang maari lamang na dapat magbukas ay ang mga groceries/supermarkets, restaurants with home deliveries, drugstore/pharmacies, clinic at iba pang nagbibigay ng serbisyong medikal at bank services.
Ang pagpapatupad nito ay idadaan pa sa lokal na ordinansa ng mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila para sa magiging guidelines.
- Latest