AFP, Palasyo inaaral kung napasok ng '3,000 sundalong Tsino' ang Pilipinas
MANILA, Philippines — Bineberipika pa ng gobyerno kung totoong napasok ng libu-libong sundalo ng Tsina ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagpreprente bilang turista o manggagawa sa Philippine offshore gaming operators (POGOs).
Miyerkules kasi nang ibalita ni Sen. Panfilo Lacson, Senate committee on national defense and security chairperson, na nakatanggap siya ng ulat tungkol sa 2,000 hanggang 3,000 miyembro ng Chinese People's Liberation Army na nagsasagawa ng "immersion missions" sa Pilipinas.
"Nasa proseso kami ng pagva-validate ng ulat ni Sen. Lacson, lalo na't seryosong concern 'yan," sabi sa Inggles ni Armed Forces of the Philippines chief Felimon Santos, sa ulat ng GMA News.
"Nariyan ang staff ko sa intelligence para kumpirmahin ang mga ulat sa pakikipagtulungan ng iba pang mga ahensya ng gobyerno."
Sa press briefing naman ng Malacañang kanina, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na wala pang nakakarating na ganitong balita sa kanila: "Kailangan muna nating ma-validate."
Hindi pa raw makapagsalita diretso dito ni Panelo dahil ayaw daw niyang maglabas ng pahayag na nakabase sa haka-haka.
"Ang masasabi lang natin sa gobyerno ay concerned tayo sa anumang isyu pagdating sa national interest at national security," dagdag pa niya.
Nangyayari ang lahat ng ito habang mainit pa rin ang sigalot ng Pilipinas at Tsina pagdating sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
POGO-PLA connection?
Ika-3 ng Marso nang sabihin ni Sen. Richard Gordon na maaaring ginagamit ang POGOs para makakuha ng mga sensitibong impormasyon ang Tsina sa Pilipinas.
Isa raw sa mga maaaring patunay dito ay ang dalawang Tsinong suspek na nakitaan ng PLA identification cards kamakailan matapos mahuling mamaril ng isang Chinese online gaming worker sa Makati City.
Ayon kay Panelo, hindi raw nila napag-usapan nina Pangulong Rodrigo Duterte ang isyung 'yan sa huling pagpupulong nila ng Gabinete.
Hindi pa naman masabi ni Panelo kung pabor, o tutol si Duterte sa operasyon ng POGOs sa Pilipinas, ngunit tiniyak na pinaiimbestigahan na niya ito kung totoong may katiwaliang nangyayari kaugnay nito.
Tinitimbang pa rin daw ni Digong ang isyu lalo na't malaki raw ang kinikita ng gobyerno mula sa POGO operations.
Sa nakaraang tatlong taon, nakalikom daw ng P17 bilyon ang bansa mula sa nasabing online gambling, na mas malaki kumpara sa P57 milyon na nakukuha roon noon.
"Sa ibang salita, malaking source of income 'yan sa gobyerno, na maaaring gamitin para sa iba't ibang proyekto," banggit pa ng Palace spokesperson.
"[N]aalala ko ang presidente nang sabihin niyang maaaring kunin doon [sa POGO] ang dagdag sweldo ng mga nurse."
Bagama't may territorial dispute ang Pilipinas at Tsina, kilalang malapit na kaibigan ni Duterte si Chinese President Xi Jinping, na makailang-ulit nang nagbibigay ng sari-saring donasyon at ayuda sa Pilipinas nitong mga nakaraang taon.
Hulyo taong 2019 nang unang sabihin ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na nakikita niya bilang "banta" sa seguridad ng Pilipinas ang biglaang pagtaas ng bilang ng mga turistang Tsino sa Pilipinas sa mga nagdaang taon.
Nabahala na rin noong nakaraang taon ang Makabayan bloc at party-list na Puwersa ng Bayaning Atleta tungkol sa pagiging malapit ng mga POGO facilities sa ilang kampo militar ng Pilipinas, gaya ng sa ilang lugar sa Metro Manila, Cavite at Subic.
Pagtataka naman ni 1Pacman party-list Rep. Eric Pineda, kahina-hinala rin daw ang itsura ng ilang POGO workers mula sa Tsina.
"Mukha silang mga militar dahil malinis ang gupit ng buhok at matitipuno ang pangangatawan na parang sundalo," wika ni Pineda.
- Latest