‘Visa upon arrival’ ng Chinese itinigil ng BI
MANILA, Philippines — Itinigil na ng Bureau of Immigration (BI) ang pagtanggap sa aplikasyon para sa ‘visa upon arrival’ ng mga turistang Chinese na mula ng Wuhan City.
Ito’y sa gitna na rin ng pangambang dulot ng novel coronavirus (2019-nCoV) na sinasabing nagmula sa nabanggit na siyudad sa China.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, ginamit na batayan sa pagpapatigil muna ng pagbibigay ng visa-upon-arrival sa mga turistang galing Wuhan City, ang pagsuspinde ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa lahat ng direktang flights mula sa nabanggit na lungsod.
Kailangan aniyang proteksiyunan ang mga Pilipino gayundin ang iba pang turista na nasa bansa.
Maaaring ibalik ito sa sandaling alisin ng CAB ang suspensiyon na basehan ng BI.
Taong 2017 nang ilunsad ng BI ang visa-upon-arrival program para makahikayat ng mas maraming turista at investors mula sa China.
Sa kasalukuyan, mas pinaigting na ng mga awtoridad ang kanilang ipinatutupad na security measures para mapigilan ang posibilidad ng pagpasok ng 2019-nCoV sa Pilipinas.
- Latest