Ilang bayan sa Batangas nagmistulang ghost town
MANILA, Philippines — Nagmistulang ghost town ang ilang bayan ng Batangas dahil sa makapal na ashfall na nagpadilim sa kapaligiran habang naranasan din ang mga paglindol dulot ng phreatic explosion ng Taal volcano, ayon sa ulat kahapon.
Kabilang dito ang bayan ng Agoncillo, Laurel at San Nicolas na pawang nababalutan ng makapal na kulay itim na ashfall.
Ang bayan ng San Nicolas ay nagdeklara na ng state of calamity sanhi ng makapal na abo na bumalot sa buong bayan.
Nabatid na ang bayan ng Agoncillo ay nagmukhang disyerto na sa kapal ng ashfall na nakaapekto sa 21 barangay sa bayang ito matapos na magsilisan ang mga residente na ang ibang mga pamilya ay nagtungo sa mga bundok, sa mga evacuation centers habang ang iba naman ay pansamantalang nanuluyan sa kanilang mga pamilya.
Sa isang television interview, sinabi ni Agoncillo Mayor David Reyes, nasa 20,000 mga residente sa kanilang bayan ang inilikas na bunga ng peligro sa kalusugan ng ashfall at gayundin sa nakaambang malakas at mapanganib na pagsabog ng bulkan.
Nabatid na bandang alas-4:30 ng hapon kamakalawa nang magsimulang magbagsakan sa mga apektadong lugar ang ashfall na grabeng nakaapekto sa mga bayang nakapalibot sa Taal volcano.
Sa bayan ng Laurel at Nicolas, libu-libong katao na rin ang inilikas at maging sa Talisay, Batangas na sumasaklaw sa Taal Lake.
Sa tala, nasa 75 volcanic na mga paglindol ang naranasan ng mga residente ng Batangas partikular na sa mga bayang nakapalibot sa Taal volcano.
Idinagdag pa sa ulat na patuloy naman ang paglilikas sa mga residente kabilang na rin sa bayan ng Talisay at iba pang mga apektadong lugar sa lalawigan.
- Latest