'Hindi ako mapatatahimik': Ika-3 US Senator na ipina-ban ni Duterte sa Pilipinas bumwelta
MANILA, Philippines — Binasag ni Massachusetts Sen. Edward Markey ang kanyang katahimikan sa ginawang pag-ban sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa kaugnay ng kanyang pagpapaabot ng suporta sa nakakulong na si Sen. Leila de Lima.
Lunes nang kumpirmahin ni presidential spokesperson Salvador Panelo na isinama na si Markey kina Democratic Senators Dick Durbin at Patrick Leahy sa mga ipinagbabawal sa bansa, na pawang mga nag-akda sa US travel ban amendment sa mga responsable sa pagkakakulong ni De Lima.
"President Duterte is sorely mistaken if he thinks he can silence my voice and that of my colleagues," sabi ni Markey sa isang pahayag ngayong araw (oras sa Maynila).
Isa si Markey sa mga senador mula Estados Unidos na naghain ng naipasang Senate Resolution 142 sa US Senate foreign relations committee, na nananawagan ng agarang pagpapalaya kay De Lima at pagpapaitigil sa "panggigipit" kay Rappler CEO na si Maria Ressa.
Giit pa niya, ang pagiging kritiko niya sa diumano'y paglabag ng gobyernong Duterte sa karapatang pantao ang pinakapuno't dulo kung bakit daw sila pinag-iinitan ng pamahalaan.
Kasalukuyang sumasailalim sa preliminary examination ng International Criminal Court ang madugong gera kontra droga ng pamahalaan, na kumitil na sa buhay ng libu-libo, ayon mismo sa Philippine National Police.
"He has already failed to silence Senator De Lima, Maria Ressa, and others in his country who have spoken truth to power," dagdag ni Markey.
"I stand with the people of the Philippines and with my state’s vibrant Filipino-American community in fighting for the highest democratic ideals and against the strongman tactics of the Duterte government."
'US senators pararang hindi nag-aaral'
Kahapon, binira pa lang ni Panelo sina Durbin at Leahy dahil sa US ban sa ilang Philippine government officials.
"Parang 'di sila nag-aaral," sabi ng tagapagsalita ng presidente sa panayam ng ANC.
Wika pa ni Panelo, sana'y kinunsulta raw muna nila si US ambassador to the Philippine Sung Kim kung totoo ang kanilang pananaw sa iginugulong ng kaso ni De Lima at ng human rights situation sa bansa: "Alam niya ang nangyayari."
Binanggit niya na kinita niya si Kim sa pribadong pagpupulong at sinabi niyang sang-ayon siya sa pahayag ng Palasyo.
Maliban dito, tila sinisi rin ni Panelo ang media dahil sa pagbibigay nang bigat ng coverage pagdating sa mga nasabing isyu.
"Kapag inuulit-ulit ng [media] outlets ang pare-parehong usapin, nagkakaroon ng semblance of truth. Kaya napapaniwala mo ang mga nandoon, sa labas ng bansa," saad niya sa magkahalong Inggles at Filipino.
Pinaninindigan naman ng Malacañang na gumagana ang "due proccess" sa bansa at tama ang paghawak sa paglilitis kay De Lima.
Tila insulto din daw sa soberanya ng Pilipinas ang pangingialam nilang mga nasabing banyaga.
"Sa pagkakaalam namin, may mga proseso kami. Sumusunod kami sa due process sa bansang ito. Nasusunod ang batas," banggit niya.
Kasalukuyang nakakulong si De Lima kaugnay ng diumano'y pagkakasangkot niya sa paglaganap ng iligal na droga sa New Bilibid Prison, bagay na kanyang itinatanggi.
Humaharap naman si Ressa sa isang cyber libel suit, sampu ng iba pang mga reklamo.
- Latest