4-day work week umusad na sa Kamara
MANILA, Philippines — Inihain na sa Kamara ang resolusyon para sa “four day work week” sa pamahalaan at pribadong sektor.
Sa House Resolution ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga, hiniling nito na ipatupad “on experimental basis” ang “Four Day Work Week” dahil na rin sa nalalapit na kapaskuhan at SEA Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019.
Paliwanag ni Barzaga, ang hakbang ay para na rin lumuwag ang daloy ng trapiko na nagdudulot ng stress, anxiety, low productivity, exposure sa high carbon emission, high gas consumption at matagal na pagkakalayo ng oras mula sa mga pamilya ng bawat Filipino.
Nilinaw naman ng kongresista na bagama’t mayroon ng mga panukalang batas sa Kamara kaugnay sa “four day work week” ay nakabinbin pa ang mga ito sa committee level at maaring matagalan pa bago tuluyang maaprubahan kaya inihain na niya ang resolusyon para mabilis itong maipatupad.
Sa ilalim ng panukala, ang mga empleyado ng gobyerno ay papasok mula Lunes hanggang Huwebes mula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi habang ang mga nasa pribado ay mula Martes hanggang Biyernes ng hanggang 10 oras para makumpleto ang 40 oras na trabaho kada linggo.
- Latest