^

Bansa

Protest graffiti sa Maynila ikinadismaya ni Mayor Isko Moreno; Grupo naglinaw

James Relativo - Philstar.com
Protest graffiti sa Maynila ikinadismaya ni Mayor Isko Moreno; Grupo naglinaw
"Sa publiko: pasensya sa abala, ngunit ang mga usapin at isyung kinakaharap natin ay humihingi ng mas agarang tugon," sabi ng Panday Sining sa isang pahayag sa Inggles.
Released/Manila Public Information Office

MANILA, Philippines — Binanatan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang mga islogan ng protestang naglipana't nakasulat sa ilang prominenteng pader ng siyudad, habang pinapaalalahanan ang lahat tungkol sa mga kaakibat nitong parusa sa batas.  

Sa isang pahayag Martes ng hapon, sinabi ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na pananagutin nila kung mahuhuli ang mga kabataang militante na nasa likod ng pagsusulat sa ilang bahagi ng Lagusnilad underpass.

"Ipapadila ko yan sa kanila 'pag nahuli namin," wika ni Domagoso sa isang pahayag.

Ang mga panawagan ng grupong Panday Sining, na makikita sa ilang bahagi ng Lagusnilad underpass, ay naglalaman ng mga katagang: "Presyo, ibaba! Sahod, itaas!", "Atin ang 'Pinas! US-China, layas!" at "Digmang Bayan, sagot sa martial law."

Ang mga naturang islogan ay pinunturagan na ng ilang kawani ng Department of Engineering and Public Works.

 

Ayon sa Ordinance 7971, o Anti-Vandalism Law of 1999, ipinagbabawal ang pagpipinta, pagsusulat, atbp. ng mga pribado't pampublikong ari-arian, maliban na lang kung may pahintulot ng may-ari.

Papatawan ng hindi bababa sa P1,000 ngunit hindi lalagpas sa P5,000 o hindi bababa sa anim na buwan hanggang isang taon na pagkakakulong ang parusa rito, depende sa kung ano ang desisyon ng korte.

Inilabas ni Domagoso ang pahayag isang araw matapos palayasin ang mga sidewalk vendors mula sa Ilaya street sa Divisoria dahil sa nagkalat na mga basura matapos ang sorpresang inspeksyon.

"Hindi ba kayo nahihiya dyan o talagang baboy din kayo sa bahay? Kailangan ko pa kayo sorpresahin? Pinaghahanapbuhay ko na nga kayo eh," sabi niya sa mga manininda.

'Pasensya ngunit kailangan itong gawin'

Samantala, nagpaliwanag naman ang grupong Panday Sining sa kanilang street protest, na bahagi raw ng inilunsad nila na "Graffiesta."

"Sa publiko: pasensya sa abala, ngunit ang mga usapin at isyung kinakaharap natin ay humihingi ng mas agarang tugon," sabi ng PS sa isang pahayag sa Inggles.

Aniya, kaliwa't kanan daw ang ikinukulong at pinapatay ng gobyerno dahil lamang sa pagtuligsa sa iba't ibang usapin.

Sa ngayon daw, nakompromiso na ang mapayapa at demokratikong espasyo sa pagsasalita, habang "ginagawang krimen" ang pagtuligsa sa ilalim ng Executive Order 70.

"Ito ang dahilan kung bakit naglunsad ang Panday Sining, isang kultural na organisasyon ng mga kabataan, ng Graffiesta bilang tugon sa paglala ng ekonomiko't pulitikal na estado ng bansa," sabi pa nila.

Aniya, naiintindihan nila ang sintemyento ng publiko ngunit panahon na raw upang pag-usapan ang lumalalang atake sa mga demokratikong karapatan.

"Hindi namin ito ginagawa upang parusahan ang mga mamamayan ng Maynila ngunit para idulog sa publiko ang mga inhustisyang ito," wika pa nila.

"Ang tunay na kalaban ay ang pasitang rehimen ng US-Duterte."

Handang makipag-ugnayan kay Isko

Samantala, sinabi naman ng grupo na bukas silang makipag-usap sa alkalde patungkol sa usapin, lalo na't pareho raw sila ng pananaw pagdating sa pagkamit ng "makatarungan at pangmatagalan na kapayapaan."

"Nananawagan kami sa lahat ng artista na magsalita at gamitin ang kanilang sining upang ilantad ang kawalan ng katarungan sa ilalim ni Duterte at lumaban para sa ating karapatan," patuloy nila.

GRAFFITTI

ISKO MORENO

MANILA

MILITANT ACTIVISM

PANDAY SINING

VANDALISM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with