3 pagpipilian bilang punong mahistrado ng Korte Suprema, kilalanin
MANILA, Philippines — Naglabas na ng listahan ang Judicial and Bar Council ng listahan ng pagpipilian ni Pangulong Rodrigo Duterte na papalit kay Chief Justice Lucas Bersamin bilang susunod na punong mahistrado ng Korte Suprema.
"Alinsunod sa Article VII, Section 9 ng Saligang Batas, ikinalulugod ng Judicial and Bar Council na isumite ang sumusunod na nominasyon para sa pagiging PUNONG MAHISTRADO ng KORTE SUPREMA NG PILIPINAS," ayon sa liham na ipinadala ng JBC kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Inggles.
JBC ADVISORY: shortlist of nominees for Chief Justice, vice Hon. Lucas P. Bersamin pic.twitter.com/ldnMslmJg0
— Supreme Court Public Information Office (PIO) (@SCPh_PIO) October 15, 2019
Narito ang sumusunod na nominado, kasama ang inaning boto sa deliberasyon ng JBC:
- PERALTA, Diosdado Madarang - 7 boto
- PERLAS-BERNABE, Estela M. - 7 boto
- REYES, Andres Bernal Jr. - 4 na boto
Siyang mailuluklok bilang ika-26 na chief justice ang sinumang mapili ni Duterte kina Peralta, Perlas-Bernabe o Reyes.
Ayon sa 1987 Constitution, tanging ang presidente ng Pilipinas ang may kapangyarihang magtalaga ng mga miyembro ng Korte Suprema, gaya ng punong mahistrado, na kanyang pipiliin sa listahan ng hindi bababa sa tatlong pangalan.
Nilagdaan nina Bersamin, Justice Secretary Menardo Guevarra at Sen. Richard Gordon ang nominasyon bilang mga ex officio members ng JBC.
Sina Jose Catral Mendoza, Toribio Ilao Jr., Noel Tijam at Franklin Demonteverde naman ang mga regular na miyembro ng JBC.
Nakatakdang magtapos ang halos iang dekadang serbisyo ni Bersamin bilang punong mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman sa ika-17 ng Oktubre.
"Habang papalapit ang pagkakataong iyon, nakadarama ako ng mas malalim na pagkakuntento," ayon kay Bersamin sa flag ceremony ng SC.
- Latest