‘Confinement for sale’ ikinanta ng NBP doctor
MANILA, Philippines – Inamin ni Dr. Ursicio Cenas na may nangyayaring bayaran sa New Bilibid Prisons (NBP) para manatili sa ospital ang ilang bilanggo.
Sa paggisa ni Sen. Bong Go, sinabi ng medical officer na totoong may isyu ng bayaran sa pagamutan, ngunit hindi lang nila mabatid ang buong detalye nito.
Hindi rin masabi ni Cenas ang halaga ng ibinabayad ng mga drug lord para lamang sa pananatili nila sa NBP hospital para magawa ang kanilang iligal na aktibidad.
Ayon kay Cenas, naririnig lamang niya ito mula sa ibang tauhan sa NBP hospital at sinasabing dati na itong kalakaran.
Inilabas ng tanggapan ni Go ang listahan ng mga bilanggo na matagal na nanatili sa ospital.
Kabilang dito sina Wilfredo Aria na naospital noong Disyembre 12, 2018 at lumabas noon lamang September 11, 2019; Noel Fernandez, mula Abril 5, 2018 hanggang Setyembre 11, 2019; Willy Yang, mula Marso 22, 2019 hanggang Setyembre 10, 2019; Rommel Capones, December 20, 2018 hanggang Setyembre 13, 2019.
Kinuwestiyon naman ni Sen. Richard Gordon ang tatlong beses na pagpapa-ospital ng convicted drug dealer na si Yu Yuk Lai na tumagal ng 10 buwan sa isang pribadong ospital.
- Latest