Justice system magiging katawa-tawa
Kapag nakalaya si Sanchez
MANILA, Philippines — Walang tiyansa na makalaya pa si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez dahil isa itong convicted rapist at murderer, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang DILG, na pinamumunuan ni Secretary Eduardo Año, ang nangangasiwa sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na siya namang namamahala sa city, district, at municipal jails sa buong bansa.
Sinabi ni Año na 7-life sentence ang hatol kay Sanchez at nakagawa pa ng kasalanan habang nakakulong at kung mapapalaya ito ay magiging katawa-tawa naman ang batas at sistema ng hustisya sa bansa.
Nanindigan rin si Año na dapat na panagutan ni Sanchez ang kanyang nagawang karumal-dumal na krimen at pagsilbihan ang kanyang sentensiya, hanggang sa kahuli-hulihang minuto ng buhay nito.
“Sanchez committed rape and double murder. He was responsible for the death of two bright university students. Allowing him to get out early is a mockery of the law and justice system,” aniya pa. “Kailangan niyang panagutan hanggang sa huling minuto ang hatol sa kanya. He must serve his entire sentence. Kapag pinalaya natin ‘yan ng maaga, we would have punctured a hole in our own justice system.”
Nauna rito, nilinaw ng DOJ na hindi kuwalipikado si Sanchez na makalaya sa ilalim ng GCTA Law o ang Republic Act No. 10592.
Matatandaang si Sanchez ay hinatulang makulong ng pitong habambuhay sa piitan dahil sa panggagahasa at pagpatay sa UPLB student na si Eileen Sarmenta at pag-torture at pagpatay kay Allan Gomez, noong 1993.
- Latest