50% increase sa ATM fees sisilipin
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan sa Kamara ang pagtaas ng mga transaction fees sa mga automated teller machines (ATMs) na posibleng makaapekto sa tinatayang 58 milyong Pinoy cardholders.
Sa kanyang House Resolution 210, nais ni Makati Rep. Luis Campos na silipin ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang pinangangambahang paglobo ng ATM fees nang hanggang 50 porsiyento sa mga interbank withdrawals at balance inquiry.
Ang hakbang ng kongresista ay kasunod na rin ng ipinalabas na memorandum ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong nakaraang buwan na nag-aalis sa moratorium ng dagdag na singil sa mga ATM fees.
Ayon kay Campos, sa pagtanggal ng moratorium, nais ng mga bangko na itaas ang kanilang ATM charges nang hanggang 50 porsiyento.
Sakaling maipatupad ang gusto ng mga bangko, ang dating P10 hanggang P15 na single interbank withdrawal transaction ay aakyat na sa P20 hanggang P30 habang P2 na ang balance inquiry na dati ay P1.
Iginiit ni Campos na bago pa man magkaroon ng pagtaas sa ATM transactions fees ay dapat na maging maagap na ang mga mambabatas at silipin kung may pangangailangan ito.
Sa Senate Bill 635 ni Sen. Francis Pangilinan, isinusulong nito na i-regulate ang sinisingil sa mga consumers tuwing gagamit ng ATM.
Sa huling bilang noong Disyembre 2018, umabot na sa 21,278 ang mga ATMs sa bansa na pag-aari at pinapatakbo ng mga bangko na regulated ng BSP.
Karamihan din aniya sa mga bangko ay hindi isinisiwalat kung magkano ang sinisingil sa mga ATM cardholders.
Ayon sa “schedule of charges” na inilabas ng BSP noon pang Oktubre 2012, ang withdrawal fees ay maaaring umabot ng hanggang P100, ang balance inquiry ay hanggang P10 at ang interbank transfer fees ay umaabot ng hanggang P100.
Maaari rin aniyang ma-charge ang mga ATM cardholders ng P100 nang hindi nila nalalaman.
Layunin ng panukala na mabigyan ng proteksiyon ang mga ATM cardholders mula sa mga nakatago, surprise at unreasonable fees.
Layunin din ng panukala na limitahan ang kaltas sa ATM at matiyak na isang fee lamang ang babayaran ng cardholders sa mga interbank transaction at huwag lumampas ang additional fee sa 1% ng kabuuang transaksiyon.
Hindi rin dapat i-charge ang mga customer sa mga transaksiyon kung saan walang na-dispense na cash.
Nais din ni Pangilinan na i-display sa ATM screen kung magkano ang fee at surcharge ng ATM transaction at dapat din itong makita sa printed receipt.
- Latest