Endo bill ibinasura ni Duterte
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Malacañang na hindi nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Security of Tenure Bill (SOT) na mas kilala bilang “Anti-Endo Bill” na isa sa kanyang campaign promise na tapusin ang endo (end of contract) pero na-veto ito, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Ilang grupo ng mga negosyante ang nag-lobby kay Pangulong Duterte upang huwag pirmahan ang SOT dahil mayroon na daw umiiral na batas para protektahan ang mga manggagawa mula sa illegal contractualization.
Sa veto message ni Pangulong Duterte sa Senate President at House Speaker na may petsang July 26, 2019 ay ipinunto nito ang paniniyak ng kanyang commitment upang protektahan ang mga manggagawa sa kabila ng pag-veto nito sa ‘anti-endo bill’.
“Gayunman, lagi nating layunin na tutukan ang pang-aabuso habang hinahayaan ang mga negosyo na gumawa ng mga bagay na mapapakinabangan kapwa ng pangasiwaan at ng mga manggagawa,” paliwanag ng Pangulo sa kanyang veto message.
Idiniin pa niya na mahigpit na ipinagbabawal ang labor-only contracting dahil labag ito sa batas bagkus ay dapat mga legitimate job-contracting lamang ang papayagan.
Kung hindi inaksyunan ng Pangulo ang nasabing enrolled bill ay mag-lapsed into law ito ngayon (July 27) subalit malakas ang pag-lobby ng mga negosyante sa Malacañang upang huwag lagdaan ang nasabing panukalang batas na naglalayong tuldukan ang endo sa bansa.
Dismayado ang grupong Bayan Muna sa Kamara matapos na i-veto o ibasura kahapon ni Pangulong Duterte ang SOT.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na patunay lamang ang pag-veto ng Pangulo sa endo bill na isa na namang pangako noong kampanya ang hindi natupad ng Presidente.
Iginiit pa ni Zarate na malabnaw na bersyon na nga lamang ng Anti-Endo Bill ang pinapipirmahan sa Pangulo ay hindi pa nito sinuportahan sa halip ay mas binigyan pa ng halaga ang mga kapitalista kumpara sa mga mahihirap na manggagawa.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang ilang senador matapos i-veto ni Duterte ang inaabangang pagpasa ng SOT bill.
Mismong si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay nagpahayag ng pagkadismaya bagaman at aminado rin siya na bahagi ng demokrasya ang pag-veto ng Pangulo.
Idinagdag ni Sotto hihilingin niya kay Senator Joel Villanueva na muling ihain ang panukala at bibigyang prayoridad muli ito ng Senado.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Senator Joel Villanueva sa veto ng Pangulo ang kanyang panukalang batas.
Tiniyak din ni Villanueva na hindi siya titigil at muling isusulong ang panukalang batas hangga’t hindi natutuldukan ang “endo,” ang termino na ginagamit ng mga empleyado kapag natatapos na ang kanilang kontrata sa trabaho na kalimitan ay tumatagal lamang ng anim na buwan.
- Latest