Expiry sa prepaid load pinatatanggal
MANILA, Philippines – Isinusulong sa Senado na tanggalin ang expiration period sa mga prepaid load credits.
Sa Senate Bill 365 ni Sen. Sherwin Gachalian na tatawaging Prepaid Forever Act of 2019, sinabi nito na bawat piso na ginagastos ng mga consumers ay dapat mapakinabangan.
Kapag naging batas, lahat ng Public Telecom Entities (PTEs) at Information and Communications Technology (ICT) providers ay pagbabawalan na maglagay ng expiration period sa validity ng mga prepaid load credits.
Sakop ng panukala ang lahat ng denominations ng prepaid load credits na binili sa pamamagitan ng prepaid card o prepaid load.
Ayon pa kay Gatchalian, hindi lamang sa mga call at text credits tatanggalin ang expiration date kundi sa iba pang loaded devices na ginagamit sa iba pang uri ng telecommunications services katulad ng tablets, Wi-Fi dongles, o mobile hotspots.
Sakop din ang mga pasa load o “shared prepaid load credits.”
Makikinabang sa kanyang panukala ang nasa 142,432,163 prepaid subscribers o 96.6% ng kabuuang mobile subscribers sa bansa.
Marami aniyang prepaid load credits ang nasasayang kapag hindi nagamit bago ang expiration date.
- Latest