Kolumnista, nag-sorry sa Customs official
MANILA, Philippines — Pormal na humingi ng paumanhin ang isang kolumnista kay Customs Import Assessment Service (IAS) director Yasser Ismail Abbas na nauna niyang inatake sa isang artikulo hinggil sa diumano’y katiwalian sa Bureau of Customs (BOC).
Inamin ni Ernesto Hilario na isang pagkakamali ang ginawa niyang pagtuligsa sa dignidad at reputasyon ni Abbas gayundin ng pamilya nito na apektado ng kanyang isinulat.
Lumabas ang nasabing artikulo noong nakaraang Mayo 3 sa isang pambansang diaryo at bunga nito, nagsampa ng reklamong libelo ang mga abogado ni Abbas laban sa kolumnista.
Sa paghaharap ng demanda, sinabi ng mga abogado na ang artikulo ay malisyoso at nakakasira sa pangalan at reputasyon ng kanilang kliyente.
Anila, sana ay kinuha muna ng kolumnista ang panig ni Abbas para sa parehas at makatotohanang paglalahad ng buong pangyayari.
Hindi umano napag-isipan ni Hilario na si Abbas ay isa lamang senior official ng BOC na tumutupad sa tungkulin sa ilalim ng pangangasiwa ni Commissioner Reynaldo Guerrero. Ang awtoridad ni Abbas ay limitado sa main office at wala itong kinalaman sa alinmang ports of entry sa buong bansa, gayundin ang pagpigil o pagpapalabas ng anumang kargamento sa naturang pasilidad.
- Latest