Solar panels sa gov't buildings ipinanukala para matapyasan ang P24-B electric bill
MANILA, Philippines — Para mapababa ang ginagastos ng gobyerno sa kuryente, plano ng isang senador na mapalagyan ng mga alternatibong power source sa mga pampublikong gusali.
Ito raw ang isusulong ni ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa pamamagitan ng panukalang "Solar Energy in National Government Offices Act."
"Kung ang buwanang electric bill mo ay dalawang bilyong piso, aba eh dapat humanap ka ng paraan para pababain yan," ani Recto Miyerkules.
Banggit ng senador, pumalo sa P24 bilyon ang electricity bill na binayaran ng gobyerno noong 2017.
Sa halagang ito, P11.4 bilyon daw ang kinokonsumo ng mga ahensya ng national government.
Pumapatak naman sa P12.6 bilyon dito ang nagmumula sa mga lokal na gobyerno.
"Tapping the sun for electricity in a tropical country is good economics, good for the environment, and good for education," dagdag ni Recto.
(Mas economical at nakabubuti sa kalikasan ang paggamit ng araw para sa kuryente sa isang bansang tropikal).
Kung mababawasan lang ng 5% lang ang electricity bill taun-taon, makatitipid daw ng P1.2 bilyon ang gobyerno — halagang makapagtatayo na ng 1,000 silid-aralan.
Malaki rin daw maitutulong nito sa mahigit 4,000 pampublikong paaralan na masyadong malayo sa mga power grid.
"Kung walang kuryente, walang umaandar na computer at tech-voc equipment. But solar power can end their permanent state of power blackout (Pero kayang tapusin ng solar power ang kanilang permanenteng kawalan ng kuryente)," dagdag ni Recto.
Makatutulong din daw ito sa mga senior high school students na naka-enrol sa technical-vocational track.
'Taun-taon tumataas ang singil'
Bukod sa mataas nang bayarin, nadadagdagan pa ng P1 bilyon kada taon ang ginagastos ng gobyerno pagdating sa kuryente.
Noong 2012, nasa P19.5 bilyon lang ang electric bill — mas mura ng isang-kapat sa kasalukuyang bill sa loob lamang ng limang taon.
Tumaas ng 137% ang electricity bill ng Department of Education mula 2012 (P951 milyon) hanggang 2017 (P2.3 bilyon) dulot ng pangangailangan ng mga computer at pagpapalawig ng mga klase sa gabi.
Nakakita rin ng 50% pagtaas ng konsumo ng kuryente ang mga pampublikong ospital mula 2012 hanggang 2017 kung kailan P1.2 bilyon ang kanilang ginastos.
Sa "pilot phase" ng panukalang batas, layon ng senador na maging solar energy ang 10% ng electricity consumption ng gobyerno.
"[T]hey will serve as demonstration units that will show the public that this clean and cheap source of power is viable," panapos niya.
(Magsisilbi itong demonstration unit para maipakita sa publiko na kaya ang malinis at murang pagkukunan ng kuryente.)
Lumalabas na Pilipinas pa rin ang may pinakamahal na kuryente sa timogsilangang Asya, ayon sa datos na inilabas ng Department of Energy nitong 2017.
Nitong Enero, inudyok naman ni Michael Shellenberger, presidente ng Environmental Progress, na subukan ng Pilipinas ang nuclear energy upang makinabang sa "mas mura" at "mas malinis" na enerhiya.
- Latest