500 bagong pisang pawikan pinawalan ng DENR sa Saranggani Bay
MANILA, Philippines — Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapakawala sa 528 bagong pisang pawikan na Olive ridely sa Saranggani Bay, Barangay Lumasal, Maasim, Saranggani .
Tinagubilinan naman ni DENR Region 12 Executive Director Nilo B. Tamoria ang mga residenteng naninirahan malapit sa karagatan na tumulong sa pangangalaga at pagbibigay ng proteksiyon sa coastal areas at maging responsable sa pagtatapon ng kanilang mga basura.
Aniya, bandang hapon na pinawalan ang mga pawikan upang tumaas ang tsansa na mabuhay ang mga ito sa karagatan.
Ang naturang bilang ng Olive ridley ay napisa sa Maasim Pawikan Hatchery sa bayan ng Maasim, lumalabas pa na ito ang pinakamalaking bilang ng mga napisang itlog simula nang itatag ito noong 2015.
Ang Olive ridley na kilala rin sa tawag na Pacific ridley ay pangalawa sa maliliit na pawikan at isa rin ito sa lahi ng mga sea turtles na marami sa karagatan. Kadalasan itong makikita sa maiinit na lugar tulad ng Pacific at Indian Ocean.
Samantala, bagama’t marami ang bilang ng mga ito, ang sinumang mahuhuling nanghuhuli at pumapatay nito ay papatawan ng parusang paglabag sa Republic Act 9147 na kilala ring Philippine Wildlife Resources Protection and Conservation Act.
- Latest