91 pang OFW nagka-HIV
MANILA, Philippines — May 91 pang overseas Filipino worker ang dinapuan ng sakit na human immunodeficiency virus noong Marso. Tumaas ito nang 14 na porsiyento mula sa bilang na 80 sa kahalintulad na buwan noong 2018.
“Dahil sa mga kaso sa Marso, umaabot na sa kabuuang 6,524 ang bilang ng mga OFW na natuklasang may HIV mula nang simulan ng pamahalaan ang passive surveillance sa virus noong 1984,” sabi ni Rep. John Bertiz ng party-list group na ACTS-OFW.
Sinabi ni Bertiz na mga OFW ang bumubuo ngayon sa 10 porsiyento ng 65,463 kumpirmadong kaso na nakalista sa National HIV / AIDS Registry hanggang noong Marso.
Ang mga manggagawang nasa registry ay nagtrabaho sa ibang bansa sa loob ng nagdaang limang taon, land-based man o sea-based, nang matuklasang nahawahan sila ng sakit na HIV.
Binanggit ni Bertiz na karamihan sa mga OFW na merong HIV ay mula sa Metro Manila (2,110 kaso o 32%), Calabarzon (1,139 kaso o 17%), at Central Luzon (761 kaso o 12%).
Sinabi niya na 86% o 5,635 ay mga lalaki na may median age na 32 years habang 889 ang babae na may average age na 34 years.
Sa kaso ng lalakeng OFW, 72% o 2,372 ang nahawahan ng sakit sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa lalaki habang 1,699 ang nakipagtalik sa lalaki at babae.
Ang HIV ay nagdudulot ng AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome na sumisira sa likas na abilidad ng katawan na malabanan ang lahat ng klase ng impeksyon.
Wala pang gamot dito pero nagpapabagal sa virus ang antiretroviral therapy.
Nanawagan si Bertiz sa Department of Labor and Employment na maglaan ng suporta sa dumaraming OFW na may HIV alinsunod sa tadhanain ng bagong AIDS Prevention and Control Law.
- Latest