^

Bansa

Pasyente 'gumaling' sa HIV, posibleng ika-2 sa kasaysayan

Philstar.com
Pasyente 'gumaling' sa HIV, posibleng ika-2 sa kasaysayan
Kuha ng taong sumasailalim sa HIV testing.
The STAR/Andy G. Zapata Jr., File

MANILA, Philippines — Nasa "sustained remission" mula sa HIV-1 ang isang pasyente, bagay na ibinalita ng mga doktor sa journal na Nature nitong Martes.

Makalipas ang 10 taon nang unang makumpirmang may gumaling sa human immunodeficiency virus, isang lalaking tinatawag na "London patient" ang 'di pa rin nakikitaan ng nasabing virus sa loob ng 19 buwan kahit tumigil sa pag-inom ng antiretroviral drugs.

Ang kumpletong remission ay ang estado kung saan wala nang bakas ng sakit na matatagpuan sa pasyente.

"It is a landmark. After 10 years of not being able to replicate [the first case], people were wondering if this was a fluke," sabi ni Ravindra Gupta, lead author ng pag-aaral propesor mula sa University of Cambridge.

Parehong tumanggap ng bone marrow transplant para gamutin ang kanilang blood cancer, nakakuha sila ng stem cell mula sa mga donor na may genetic mutation na kung tawagin ay CCR5.

Mas mababa pa sa isang porsyento ng mga Europeo ang may nasabing mutation.

Dahil dito, sinasabing naging resistant na sila mula sa virus dahil pinipigilan ng CCR5 ang "expression" ng isang HIV receptor.

"I think it is important to reaffirm that this is real and it can be done," sabi Gupta sa AFP.

Milyun-milon ang may HIV at nakokontrol lang ito sa pamamagitan ng gamutang kung tawagin ay ARV theraphy. Gayunpaman hindi nito tuluyang natatanggal ang virus sa katawan ng pasyente.

Halos 37 milyon ang may HIV sa buong mundo, ngunit 59 porsyento lang sa kanila ang nakakukuha ng ARV. Aabot sa isang milyon ang namamatay kaugnay nito taun-taon.

Maliban dito, pinangangambahan din ang bagong klase ng HIV na hindi tinatalaban ng gamot.

Aminado naman si Gupta at kanyang team na ang bone marrow transplant — isang delikado at masakit na procedure — ay 'di maaaring gawin sa lahat para pagalingin ang HIV.

Ngunit maaari naman daw makatulong sa mga siyentista ang ikalawang naitalang remission, at pinaghihinalaang paggaling, para makagawa ng panibagong stratehiya sa gamutan.

'Magagamot ang HIV'

"The second case strengthens the idea that a cure is feasible," ani Sharon Lewin, director ng Peter Doherty Institute for Infection and Immunity at University of Melbourne.

"We can try to tease out which part of the transplant might have made a difference here, and allowed this man to stop his anti-viral drugs."

Sinabi naman ng International AIDS Society nitong Martes na napalalakas ng ikalawang pasyente ang kanilang paniniwala na kayang pagalingin ang sakit.

Tinawag namang "important" at "exciting" ni Mark Dybul, co-chair ng Towards an HIV Cure, ang kaso sa London.

Ayon sa pag-aaral, na-diagnose ng HIV noong 2003 ang nasabing lalaki mula Britanya at sumailalim ng ARV therapy magmula pa noong 2012.

Matapos ang ilang buwan, nakitaan naman siya ng Hodgkin's Lymphoma, isang nakamamatay na cancer.

Sumailalim siya sa isang haematopoietic stem cell transplant noong 2016 mula sa donor na may dalawang kopya ng CCR5 gene variant, na resistant sa karamihan ng HIV-1 virus strains.

Matapos ang bone marrow transplant, nanatili siyang gumamit ng ARV sa sumunod na 16 buwan. 'Di lumaon, tinapos niya ang gamutan.

Nakumpirma sa pamamagitan ng regular na mga pagsusuri na "undetectable" ang kanyang viral load simula noon.

Mababa ang posibilidad o hindi makahahawa ng HIV ang mga pasyenteng "undetectable."

"CCR5 is something essential for the virus to complete its life-cycle and we can't knock out many other things without causing harm to the patient," sabi ni Gupta.

"We know that CCR5 can be knocked out without any serious consequences because people are walking around without that gene."

Unang pasyenteng gumaling sa kasalukuyan

Tinagurian bilang "Berlin patient," sumailalim si Timothy Brown sa dalawang transplant at total body irradiation para gamutin ang kanyang leukemia.

"I did not want to be the only person in the world cured of HIV," sabi ni Brown sa isang medical journal noong 2015.

Ito raw ang dahilan kung bakit napagdesisyunan niyang ilantad ang kanyang pangalan.

Kung ikukumpara kay Brown, nagdaan lang sa isang transplant at mas mahinang chemotheraphy ang "London patient."

Nananatiling buhay si Brown magpahanggang sa ngayon.

Umaasa naman si Gupta na palawakin ang kanyang research sa stem-cell transplant sa mga komunidad sa Africa, isang lugar kung saan hindi natural na nakikita ang CCR5 mutation.

"Expanding remission to populations that are affected disproportionately is quite important," sabi niya.

Iprepresenta ng kanyang team ang mga findings sa taunang Conference on Retroviruses and Opportunistic Infections sa Seattle, Washington. – James Relativo

vuukle comment

HEALTH

HIV/AIDS

MEDICINE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with