Garin, 18 pa pinalilitis na sa Dengvaxia
MANILA, Philippines — May nakitang ‘probable cause’ ang Department of Justice (DOJ) para isulong sa korte ang kasong reckless imprudence resulting to homicide laban kina dating Department of Health (DOH) Sec. Janet Garin at ?sa 18 katao pa kaugnay sa isyu ng Dengvaxia.
Sa 127 pahinang resolusyon na may petsang Pebrero 11, 2019, sinabi ng DOJ panel of prosecutors na nag-imbestiga sa kaso na mayroong sapat na basehan para sampahan ng kaso si Garin at siyam na iba pang opisyal ng Health department, dalawa mula sa Food and Drugs Administration (FDA), dalawa mula sa Research Institute for Tropical Medicince (RITM) at anim mula sa Sanofi Pasteur kaugnay sa pagkamatay ng walong nabakunahan.
Ayon sa DOH, si Garin at iba pang akusado ay nagkaroon ng “inexcusable lack of precaution and foresight” nang bilhin ang bakuna at ginamit ito sa school-based dengue mass immunization program ng pamahalaan.
Dagdag ng DOJ panel, nakitaan din ng sapat na basehan na nagkaroon ng iregularidad sa pagbili ng P3.5 billion na halaga ng Dengvaxia vaccine na batayan sa kasong reckless imprudence laban sa mga respondent.
Ang Dengvaxia vaccine ay naiturok sa mahigit 800,000 estudyante noong Abril 2016, subalit makalipas ang mahigit isang taon ay inihayag ng Sanofi Pasteur na may dalang panganib ang bakuna sa hindi pa tinatamaan ng dengue kaya’t ipinatigil ng DOH ang nasabing programa.
Gayunman, ang reklamo naman laban kina Health Secretary Francisco Duque III, dating DOH OIC Herminigildo Valle at mga opisyal ng Zuellig Pharma Corporation ay ibinasura.
Ang nasabing resolusyon ay para lamang ?sa 19 mula sa 35 complaints na inihain ng mga magulang ng Dengvaxia recipients.
- Latest