Lider Lumad, pesante iniulat na nawawala
MANILA, Philippines — Nawawala ang chairperson ng Kalumbay Regional Lumad Organization na si Datu Jomorito Goaynon at chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas - Northern Mindanao Region na si Ireneo Udarbe matapos lisanin ang kanilang tanggapan sa Bulua sa Cagayan de Oro alas-10 ng umaga, Lunes.
Huling nakausap ng staff ng Kalumbay ang dalawa alas-11 ng umaga matapos nilang maipit sa trapik habang papunta sa pulong sa kanilang opisina kahapon.
Nang tawagan, dalawang beses pa raw may tumugon sa telepono ni Goaynon ngunit walang nagsasalita sa kabilang linya.
"Twice, calls to Datu Jomo were picked up but no one answered. His phone, as of this writing, can no longer be reached. Udarbe’s phone still rings but no one is picking it up," ayon sa pahayag na inilabas sa Facebook page ng Kalumbay.
(Dalawang beses may kumuha ng tawag sa telepono ni Datu Jomo pero walang nagsasalita. Hindi na maabot ang kanyang telepono sa ngayon. Nagri-ring pa naman ang telepono ni Udarbe ngunit walang sumasagot dito.)
Hindi na nakarating sa kanilang patutunguhan ang mga militante at wala na rin daw narinig ang kani-kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa kanila.
Papunta sana sina Goaynon at Udarbe sa isang meeting kasama ang Pig-uyonan na member organization ng Kalumbay.
"Pig-uyonan was scheduled to have a dialogue this morning with the 65th Infantry Battalion, facilitated by the Commission on Human Rights (CHR)," dagdag ng statement.
(Nakatakdang magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng Pig-uyonan at 65th Infantry Battalion ngayong umaga na pangangasiwaan ng Commission on Human Rights.)
Inireklamo ni Datu Jomorito at Pig-uyonan ang 65th IB ng harassment at "forced surrender" matapos aniya inilagay ang mukha ni Goaynon sa tarpaulin at paratangang recruiter ng New People's Army. Isinabit daw ang tarpaulin sa Talakag, Bukidnon.
Humihingi ng tulong ang Kalumbay at KMP sa lahat ng maaaring may impormasyon sa kinaroroonan ng dalawa.
'Hamletting'
Matagal nang pinararatangan ng gobyerno ang Kaliwa at ilang progresibong grupo na nagpapasapi ng mga katutubo sa mga rebeldeng grupo gaya ng NPA.
Noong Disyembre, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na makabubuti ang pagha-"hamlet" sa mga komunidad ng katutubong Lumad para maiwasang mapabilang sa mga komunista sa Mindanao.
“Now I will hamlet them. You natives won’t be able to say that you’re being imprisoned. But I will make a secure place for you that will be your territory for the meantime. I will be the one to decide whether you’ll be given arms. No one else will be able to enter. You will be the ones who will guard it,”
(Iha-hamlet ko sila. Kayong mga katutubo hindi niyo masasabing ikinukulong kayo. Pero gagawan ko kayo ng ligtas na lugar para maging teritoryo niyo sa ngayon. Ako na ang magdedesisyon kung bibigyan ko kayo ng armas. Walang ibang makapapasok. Kayo ang magbabantay doon.)
Ang hamletting ay ang pagtatanggal ng mga pinaghihinalaang rebelde sa isang lugar at pagkokonsentra ng populasyon sa isang teritoryo para mabantayan ng militar.
Simula huling mabigo ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde, binansagan nang teroristang organisasyon ni Digong ang Communist Party of the Philippines at armadong grupo nito na NPA.
- Latest