Baldo naospital dahil sa katol
MANILA, Philippines — Isinugod sa ospital si Daraga Mayor Carlwyn Baldo matapos itong atakihin ng asthma sanhi umano ng katol na pinausok sa selda ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 5 sa Albay kamakalawa ng gabi.
Nabatid kay PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Amador Corpus na dinala sa UST Legazpi Hospital si Baldo bandang 11:30 ng gabi matapos na mahirapang huminga.
Dahil sa pagkakasakit hindi nakaharap sa korte ng Legazpi ang alkalde para sana sa inquest proceeding dahil sa kasong pagtatago ng mga ‘di lisensyadong baril, grenade launcher at mga bala sa bahay nito.
Si Baldo ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at security escort nitong si SPO2 Orlando Diaz noong Dis. 22, 2018.
Nahaharap ang alkalde sa mga kasong paglabag sa RA 10591 - comprehensive firearms and ammunition act at RA 9516 - illegal possession of explosive.
Samantala, binatikos naman ni Atty. Justine Batocabe, panganay na anak ni Rep. Batocabe ang ‘pagkakasakit’ ni Baldo. Isa umano itong delaying tactics ng alkalde para sa mga kinakaharap na kaso.
- Latest