Ombudsman kinalampag sa PDAF case ni Umali
MANILA, Philippines — Kinalampag ng mamamayan ng Nueva Ecija si Ombudsman Samuel Martires na huwag ibinbin at patagalin ang pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan laban kay dating Nueva Ecija governor Aurelio ‘Oyie’ Umali na sabit sa multi-milyong Priority Development and Assistance Fund (PDAF) scam.
Nabatid na ibinasura ng ahensya ang motion for reconsideration (MR) ng dating gobernador kaugnay sa kasong malversation of public funds at violation of section 3(e) ng Republic Act 3019 o ang anti-graft and corrupt practices act.
Ito ay patungkol sa kaso ni Umali sa overpriced fertilizer noong 2005 na nagkakahalaga ng P12 million at ang proyektong patubig na nagkakahalaga naman ng P3 million na parehong pinakinabangan ng mga pekeng foundation.
Nakipagkutsabahan umano si Umali sa Masaganang Ani para sa Magsasaka Foundation, Inc. (MAMFI) at Samahan ng mga Manininda ng Prutas sa Gabi, Inc (SMPGI) na kasama sa mga bogus na foundation ni Janet Lim Napoles.
Bumili umano si Umali at ang MAMFI ng 7,920 liquid fertilizer na nagkakahalaga ng P1,500 kada bote, pero natuklasang P10-P150 kada bote lamang ang halaga nito.
Inaprubahan ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang rekomendasyon ni Graft Investigation and Prosecution III Russel C. Labor-Lay-At na isampa sa Sandiganbayan ang kaso ni Umali.
Sakaling ma-convict si Umali sa kasong malversation of public funds, maaari itong makulong ng 20 hanggang 40 taon.
- Latest