Reward vs lider ng gun-for-hire, itinaas sa P10-M
MANILA, Philippines — Itinaas na kahapon sa P10 milyon ang reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa lider ng gun-for-hire gang na may ugnayan sa mga pulitiko partikular na ang mga kandidato na gumagamit ng mga Private Armed Groups (PAGs).
Ang unang reward para sa ikadarakip ni Ricardo Peralta, lider ng Peralta gun-for-hire ay P5 milyon pero kahapon ay nagbigay ng karagdagang P5M pabuya ang Volunteer Against Crime and Corruption (VACC).
Sinabi ni VACC President Boy Evangelista, na naitaas ang reward sa P10M sa ikahuhuli ni Peralta sa tulong ni Gapan Mayor Emerson Pascual na ang kapatid na sina Erickson at Ebertson Pascual ay napatay noong 2016 ng PAGs ni dating Gapan Mayor Ernesto Natividad sanhi ng alitan sa pulitika.
“’Yung reward money we strongly believe na very effective especially kung ang reward money is substantial reaching to P10 million it is a strong instrument o weapon to capture ‘yung mga wanted person,” pahayag ni Evangelista.
Ang grupo ni Peralta ay nag-o-operate sa Metro Manila, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Cagayan, La Union na ginagamit ng mga mandarayang mayor at pulitiko upang isulong ang kanilang pulitikal na interes.
Sangkot din ang mga ito sa serye ng kidnapping at pagbebenta ng hindi lisensyadong mga baril.
Una rito, nasakote ang limang miyembro ng grupo sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon City at Isabela.
- Latest