‘Ghost projects’ sa pondo ng tobacco excise tax pinabubusisi
MANILA, Philippines — Nanawagan ang isang grupo ng magsasaka kay Pangulong Duterte na imbestigahan ang “ghost project” na pinondohan buhat sa Tobacco Excise Tax sa Ilocos Sur.
Sa isang open letter na ipinadala sa Pangulo ng Federation of Tobacco Growers in Ilocos Sur, halos kalahating bilyon ang ipinondo para sa Farmer’s Convention Center (FCC) sa Vigan, Ilocos Sur.
Ayon sa grupo, 2008 pa nai-award ang kontrata ngunit wala pa sa 10 porsyento ang natatapos sa proyekto. Kinuha ang pondo buhat sa share ng lalawigan sa Excise Tax sa tabako.
Inireklamo rin nila ang kawalang-interes umano ni Gov. Ryan Singson na pilitin ang kontraktor na tapusin ang proyekto at parusahan dahil sa matinding delay sa proyekto.
Aminado ang grupo sa problema sa kalusugan ng kanilang produkto at sinabing ang “excise tax” sana ang magsasagip sa kanila para makapagtanim ng ibang produktong agrikultura.
“Ang pondo na ginamit sa Farmers Convention Center ay dapat ginamit para sa mga proyekto na mabibiyayaan kaming mga magsasaka ng direkta,” dagdag pa ng grupo.
Bukod sa Pangulo, nanawagan din ang mga magsasaka sa Kongreso at sa Commission on Audit na magsagawa ng imbestigasyon ukol dito.
Sa 2017 COA report, nagpahayag ang ahensya ng pagdududa sa “validity, accuracy, fair presentation” ng General Fund disbursement ng Ilocos Sur na aabot sa P1.34 bilyon.
- Latest