Lyceum itutuloy ang ratsada vs St. Benilde
MANILA, Philippines — Ang ikaapat na sunod na pananalasa ang hangad ng Lyceum University of the Philippines sa pagsagupa sa College of St. Benilde sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Magtutuos ang Pirates at Blazers ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang bakbakan ng Mapua Cardinals at San Sebastian Stags sa alas-12 ng tanghali sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Hawak ng St. Benilde ang solong liderato sa 4-1 baraha sa itaas ng Perpetual Help (4-2), Letran (4-2), nagdedepensang San Beda (3-2), Lyceum (3-2), Mapua (3-2), Emilio Aguinaldo College (2-4), San Sebastian (2-4), Jose Rizal (2-4) at Arellano (1-5).
Umiskor ang Pirates ng 96-81 panalo sa Cardinals para sa kanilang three-game winning streak, habang namantsahan ang dating malinis na kartada ng Blazers sa 69-71 kabiguan sa Knights.
“Actually, hindi ko talaga tinitingnan ‘yung mga wins streaks eh. Lagi kaming nagpo-focus sa now, sa kung ano ‘yung ngayon,” ani Lyceum coach Gilbert Malabanan. “Basta ang importante lang is we win every game na nilalaro namin.”
Sa unang laro, mag-uunahan sa pagbangon sa kabiguan ang Mapua at San Sebastian.
Nagmula ang Cardinals sa 81-96 pagyukod sa Pirates, habang nahulog ang Stags sa Altas, 52-60, sa kanilang mga huling laro.
Ang pagkakahulog sa Lyceum ang pumigil sa three-game winning streak ng Mapua na muling aasa kina Clint Escamis, Chris Hubilla at Jeco Bancale katapat sina Paeng Are, Shawn Orgo, Nico Aguilar at Harold Ricio ng Baste.
- Latest