P90M federalism info drive sinita ng Senado
MANILA, Philippines — Kinuwestiyon kahapon ni Sen. Chiz Escudero ang paglalaan ng P90 milyon pondo ng gobyerno para sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa federalismo gayong hindi pa naman ito naaprubahan.
Sa pagdinig ng Senate committee on finance kung saan nagbigay ng briefing ang Development Budget Coordination Council (DBCC) sa panukalang 2019 national expenditure program, sinita ni Escudero kung ano ang ikinakampanya ng gobyerno gayong hindi pa pasado sa Kongreso ang panukalang pederalismo.
“Wala pa ngang approved federalism, ano ang kinakampanya natin? We don’t even know what shape, size, color, form that is. What will we disseminate?” sabi ni Escudero.
Ipinaalala rin ni Escudero na ang dapat na ipinapakalat ay ‘yong aprubado na ng mga mamamayan at hindi yong pinagde-debatihan pa lamang at maaari pang mabagong lahat.
Pinuna rin ni Escudero ang pahayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na kukunin ang P90 milyong pondo sa kanilang savings.
“Under the DAP ruling, I don’t recall an item in the budget on 2018 for the information dissemination campaign for federalism. But according to Secretary (Martin) Andanar, he aligned from their saving P90 million for this purpose. Under the DAP ruling, there must be an item in the budget,” sabi pa ni Escudero.
- Latest