Kerwin, Peter Co pinakakasuhan ng DOJ sa drug case
MANILA, Philippines — Pinakakasuhan ng Department of Justice(DOJ) ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, Peter Co at iba pang sangkot sa kaso ng droga matapos na makitaan ng ‘probable cause’.
Una nang naglabas ng resolusyon ang DOJ na nagdidismis sa kasong illegal drugs laban kina Espinosa, Wu Tuan Yan alyas Peter Co, Lovely Impal, at Ruel Malindagan dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hindi nakasama sa resolusyon ang Cebu-businessman na si Peter Lim dahil hiniling niya na magkaroon ng magkahiwalay na preliminary investigation.
Ayon sa DOJ, sapat na ang alegasyon ng state witness na si Marcelo Adorco na si Espinosa, Co, Impal at Malindagan na may sapat na kakayahan at paraan para magsagawa ng illegal drugs trafficking.
Ipinaliwanag din ng DOJ na sa ilalim ng RA 9165, ang pagsasabwatan para sa kalakalan ng iligal na droga ay isang offense na iba sa drug trading. Kakasuhan sina Espinosa sa Makati City Regional Trial Court.
Una nang ibinasura ng DOJ ang naturang kaso nina Espinosa dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya. Nadismis ito dahil sa paiba-ibang pahayag ni Adorco.
Ayon pa sa DOJ, nabigo ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na makapaghain ng ebidensiya na susuporta sa testimonya ni Adorco.
- Latest