Peace talks sa Pinas gawin – Drilon
MANILA, Philippines — Sinuportahan kahapon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang panawagan ni Pangulong Duterte na sa loob ng Pilipinas na lang gawin ang pakikipag-usap sa National Democratic Front (NDF).
Ayon kay Drilon na nagsilbing negosyador sa usapang pangkapayapaan sa mga nagdaang administrasyon, suportado niya na gawin ang usapan sa loob ng bansa.
“I support the President’s decision. The venue of the next round of peace negotiations with the rebel groups should be the Philippines,” pahayag ni Drilon.
Sinabi pa ni Drilon na panahon na upang baguhin ang lugar ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at NDF.
Hindi rin aniya dapat maging hadlang sa usapang pangkapayapaan ang pagbabago sa lugar.
Bagaman at nagkaroon ng mahalagang papel ang Norwegian government sa peace process, panahon na aniya na sa Pilipinas naman gawin ang pakikipag-usap sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.
Pinuna rin ni Drilon na palaging sa labas ng bansa nangyayari ang pag-uusap kung saan mayroon pang third party pero wala namang nangyayari.
Naniniwala si Drilon na kung sa Pilipinas gagawin ang peace talks, mas lalakas ang kumpiyansa ng dalawang panig sa gagawing pag-uusap.
Wala anyang dahilan para tumanggi ang mga rebeldeng grupo kung talagang sinsero ang mga ito na magkaroon ng kapayapaan.
- Latest