DOJ sinita ng COA
MANILA, Philippines — Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Department of Justice (DOJ) dahil sa hindi otorisadong sistema ng paglilipat ng pondong hindi nagamit sa ilalim ng panunungkulan ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Sa 2017 COA report umabot sa P621.646-milyon undocumented transfer of fund ng DOJ noong nakaraang taon.
Ayon pa sa COA lumabas sa exit conference sa management personnel ng DOJ na ang paglilipat ng pondo ay mula sa regular account ng Kagawaran tungo sa current account sa Land Bank of the Philippines.
Ang ATM account na ito umano ay binuksan para pagdeposituhan lamang ng hindi nagamit na pondo at para maiwasan na mag-lapse o mapaso ito.
Iginiit pa ng COA na labag ito sa panuntunan ng Department of Budget and Management (DBM) at veto message ni Pangulong Duterte.
Kaya pinayuhan nila ang finance officer ng DOJ na itigil na ang paglilipat ng pondo sa ATM account lalo na para sa transaksyon na hindi malinaw ang pagkakagastusan at kailangan umano na otomatikong ibalik sa Bureau of Treasury ang mga salapi na hindi nagagamit ng kagawaran.
- Latest