Kuwento ng 'Tokhang' victims, binuhay

MANILA, Philippines — Muling ibinahagi ng isang Pinoy photojournalist na kilala sa pagdodokumento ng madugong giyera kontra droga, ang kuwento ng ilan sa mga napatay sa extrajudicial killings (EJKs) noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Inilabas ni Ezra Acayan sa kanyang Facebook page ang mga larawan at video ng tatlo sa libu-libong kaso ng EJKs na kanyang naidokumento. Kabilang na rito ang libing ni Leah Espiritu, isang ina na may anim na anak at inakusahan bilang small-time pusher. Pinatay siya habang naglalaba sa labas ng kanyang bahay.
“It was just one of too many funerals I covered during the drug war. I may have lost my sanity at some point—not because of what I was seeing, but because so many others saw this and thought it was the right thing,” wika ni Acayan. Ibinahagi rin ni Acayan ang larawan mula sa libing ni Aldrin Pineda, isang 13-taong-gulang na bata na nabaril at napatay ng isang pulis habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay. Depensa ng pulis, nadapa siya at aksidenteng pumutok ang kanyang baril. Ipinakita rin niya ang kanyang kuha sa bangkay ng construction worker na si Gilbert Beguelme habang nakasubsob sa harap ng isang jeepney matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin.
Ayon sa kanyang mga kapatid, una na nilang binalaan si Beguelme na tumigil sa paggamit ng iligal na droga. Naganap ang tatlong pagpaslang sa pagitan ng 2016 hanggang 2018, sa panahon ng panunungkulan ni Sen. Ronaldo “Bato” Dela Rosa bilang PNP chief. Una nang sinabi ni Dela Rosa na hihingi siya ng proteksyon sa Senado sakaling maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC). Ngunit kamakailan, nagbago ang kanyang pahayag at sinabing magtatago na lang siya para hindi mahuli.
- Latest