Digong sa bagong Tourism secretary: Huwag kang mangurakot
MANILA, Philippines — Isa lamang ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong talagang Department of Tourism Secretary at ito ay ang huwag mangurakot.
Isa ang pagsugpo sa katiwalian sa mga pangako ni Duterte mula pa noong panahon ng kampanya at ilang beses na niya itong napatunayan sa pagpapatalsik sa mga opisyal na nasasangkot dito.
Pinakabago sa mga pinatalsik ng pangulo ay si dating Tourism Secretary Wanda Teo na kinwestyon ng Commission on Audit ang paglalagak ng P60 milyon halaga ng advertisement sa palabas ng kaniyang kapatid na si Ben Tulfo sa PTV4.
BASAHIN: Romulo-Puyat bagong Tourism secretary
Sa pagkabakante sa pwesto ay inilipat ni Duterte si Bernadette Romulo-Puyat sa Tourism deparment mula sa pagiging undersecretary ng Department of Agriculture.
“‘Berna, ang tagal mo na, 12 years ka na sa Department of Agriculture. Your credentials speak for yourself. Tapos, malinis ang pangalan mo. Kaya mo iyan,’” kwento ni Puyat tungkol sa sinabi sa kaniya ni Duterte sa kaniyang panayam sa ABS-CBN.
“’Ang hinihingi ko lang ‘wag ka lang mangurakot.’ ‘Yun ang sinabi niya sakin. Sabi ko oo naman, siyempre naman,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Puyat na nalungkot si Duterte dahil karamihan sa mga sinipa niya sa Gabinete ay ‘yung mga pumiliti sa kaniyang tumakbo sa pagkapangulo.
"He said nalulungkot nga siya ‘pag nalalaman niya. Mas marami daw siyang natatanggal na kaibigan because of 'yung may korupsiyon," ani ng bagong kalihim.
Tiwala si Duterte kay Puyat dahil na rin sa dangal ng kaniyang pamilya.
Anak ang bagong kalihim ng Tourism ni dating senator at Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo.
- Latest