P.4-M reward sa killer ng broadcaster

MANILA, Philippines — Nag-alok na ang Malacañang ng karagdagang P200,000 reward para sa makakapagturo o makapagbibigay ng impormasyon upang maaresto ang mga suspek na bumaril at pumatay sa radio broadcast journalist na si Edmund Sestoso sa Dumaguete City, Negros Oriental nitong Abril 30.
Nauna rito, nagbigay ng pabuya sina Negros Oriental Governor Roel Degamo at Dumaguete City Mayor Felipe Antono Remollo ng tig-P100,000 at dinagdagan ng P200,000 ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go.
Kasama ni Go na nagtungo sa Dumaguete nitong Huwebes sina PCOO Sec. Martin Andanar at Usec. Joel Sy Egco, Executive Director of the Presidential Task Force on Media Security upang personal nilang mabigyan ng tulong ang pamilya ni Sestosa alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte.
Bukod sa pag-ayuda sa gastos sa burol ni Sestoso, nagbigay din si Go ng P20,000 para pamilya ng pinatay na broadcast journalist at dalawang cell phone para naman sa mga anak ng biktima na sina Eden, 13 at Bernadette, 11 para mas mapapadali ang kanilang komunikasyon at educational assistance.
Inatasan din nito si Sr. Supt. Edwin Portento, acting Police Provincial Director, na bigyan ng security si Lourdes, ang asawa ng biktima, maging ang iba pang miyembro ng Sestoso family, makaraang humingi ng tulong si Lourdes sa awtoridad sa pangambang balikan sila ng killers ng kanyang asawa.
Tiniyak naman ni Go sa asawa ni Sestoso ang seguridad ng pamilya nito, base sa utos ng Pangulo, at pabibilisin ang resolusyon at pagbibigay katarungan brutal na pagpatay sa kanyang mister.
- Latest





















