Kampo ni Leni pinamamadali ang recount
MANILA, Philippines – Kumpiyansa ang kampo ni Bise Presidente Leni Robredo sa resulta ng gagawing recount sa 2016 national polls kaya naman itataya ng abogado ang kaniyang lisensya.
Sinabi ng lead counsel ni Robredo na si Romulo Macalintal na walang mangyayari sa recount at alam umano ito ng abogado ni dating Sen. Bongbong Marcos.
“Kapag nagkaroon ng massive discrepancies sa results ng physical count, I will surrender my license as a lawyer. Sana ganun din ang gawin ng kanyang mga abogado,” pahayag ni Macalintal.
BASAHIN: Recount! – Leni
“Napagsabihan na ‘yan (Marcos) ng kaniyang lawyer. Walang mangyayari. That's the reason why (George) Garcia is not speaking before the press. Kasi alam ni Garcia na hindi n’ya pwedeng pasinungalingan na walang mangyayari sa recount na ‘yan,” patuloy ni Macalintal.
Pinabulaanan din ni Macalintal ang pahayag ng kampo ni Marcos na ayaw nilang matuloy ang recount.
“Sinungaling din ‘yan. Wala kaming motion na para matigil itong recount. Kami na ang humihingi na bilisan na natin ito,” sabi ng abogado.
Nakatakdang gawin ang recount sa ikatlong linggo ng Pebrero kasunod ng utos ng Korte Suprema na umuupong Presidential Electoral Tribunal (PET).
“Sa lahat ng mga gumawa ng recount, wala pa pong nananalo sa recount sa automated election,” sabi ni Macalintal.
Marso nitong nakaraang taon ay sinabi na rin mismo ni Robredo na gusto niya ng recount upang malinis ang kaniyang pangalan sa mga paratang ni Marcos na may dayaan.
"Mali iyon na sinasabing ayaw magpa-recount. Sa aking interes, mas makakabuting mangyari ang recount. Kasi hanggang hindi pa iyan nangyayari, binibigyan ko lang ng pagkakataon yung mga supporter ni Marcos na sabihin na siya ang tunay na vice president,” wika ni Robredo sa dzMM noong Marso 28, 2017.
“Mali yata sa logic na ako pa iyong ayaw na mangyari yung recount. Kasi lalo ito natatagalan lalong may shroud of legitimacy yung aking mandato,” dagdag niya.
BASAHIN: Comelec pinagpapaliwanag ni Bongbong sa ‘square shapes’ sa ballot images
Kahapon lamang ay pinagpapaliwanag ni Marcos ang Commission on Elections dahil sa nakita nilang “oval shapes” imbes na “square shapes” sa ballot images na katabi ng pangalan ni Robredo.
“When we voted, we had the oval shapes. How come in the ballot images, the ovals are gone and instead we have the squares. What does this mean?” ani ng dating senador.
Minaliit naman ito ni Macalintal lalo na’t ang pinagbasehan ng kampo ni Marcos ay ang ballot images na sila mismo ang nag-imprenta.
Sinabi ni Macalintal na maaari itong ikumpara sa totoong nasa balota na hawak ng PET.
“Gumagamit na siya ng iba’t ibang uri ng ebidensya na ‘di naman nilalaman ng protesta. It shows the weakness of the protest. It will be revealed further when we start recount of ballots.”
- Latest