‘Start the Healing’ mapayapa - PNP
MANILA, Philippines — Mapayapa ang isinagawa “Lord Heal Our Land Sunday” kahapon ng iba’t-ibang grupo sa pangunguna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at mga multi-sectoral organizations sa EDSA Shrine kaugnay ng extrajudicial killings sa bansa, gayundin ang paghihilom ng ‘sugat ng bayan’ na dulot ng ‘madugong’ war on drugs ng pamahalaan.
Ito ang naging assessment ng pamunaun ng Quezon City Police District (QCPD) at Eastern Police District (EPD) na siyang nakasasakop ng pinagdausan ng panalangin.
Sa pagtaya ng pulisya, umaabot sa 2,500 ang crowd estimate ang dumalo sa sama-samang panalangin.
Nabatid na dakong alas-3 ng hapon nang simulan ang mapayapang aktibidad na tinawag na “Start the Healing,” sa pamamagitan ng banal na misa na tinawag nilang ‘Lord Heal Our Land Sunday.’
Matapos ang banal na misa ay isang prusisyon at candle-lighting ang isinagawa na hudyat ng 33-araw na advocacy campaign laban sa mga drug-related killings.
Mismong si CBCP president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang nanguna sa aktibidad, gayundin ang ilang lider ng Simbahang Katoliko, mga pari at mga madre, at mga opisyal at miyembro ng mga grupong Tindig Pilipinas, Layko, Kaya Natin Youth, Youth Resist, at iba pa.
Wala namang mga banner at mga slogan sa okasyon, na una nang sinabi ni Villegas na walang halong pulitika, at sa halip ay panawagan lamang ng paghihilom ng sugat ng bayan.
Pagdating naman ng grupo sa People Power Monument ay nagkaroon ng cultural presentation at tulad ng inaasahan ay walang naganap na anumang talumpating pampulitikal.
Samantala, iginiit kahapon ng Malacañang na kaisa sila sa “true healing” ng bansa na matagal na umanong nahati dahil sa politika.
Ito ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa gitna ng paghahanda ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa “Lord Heal Our Land” mass, kung saan isasabay ang paglulunsad ng kanilang “Start the Healing” campaign.
Sinabi ni Sec. Roque na kailangan ngayon na magkaisa ng taumbayan at tulungan ang gobyerno sa paglaban kontra iligal na droga, kriminalidad at corruption.
Binigyan-diin din nito na pinapahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kritisismo laban sa administrasyon pero kailanman ay hindi kukonsitehin ang pagkakaroon ng extrajudicial at vigilante killings.
“We are one in the true healing of this nation that has long been divided by politics. We must come together as one country and one people and help the government in building a nation free from drugs, criminality and corruption,” ani Roque.
- Latest