Hazing gagawin nang krimen
MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng House Committee on Justice ang panukalang nagpapawalang-saysay sa umiiral na Anti-Hazing Law.
Sa ilalim ng House Bill 3467 o ang “Revised Anti-Hazing Law” na iniakda ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, gagawin nang krimen ang hazing at pinapanagot na rin ang lahat ng opisyal ng fraternity sakaling may masugatan o mamatay sa hazing rites.
Hangad ng panukala na hindi na maaring regulasyon lamang sa hazing kundi kailangan nang lubos na ipagbawal ito.
Idinagdag pa ng kongresista na sa kabila ng pinairal na regulasyon sa hazing sa mahabang panahon ay marami pa rin ang nagbuwis ng buhay dito na hindi naman nabigyan ng katarungan.
Itinatakda din ng panukala na kung magdaos man ng initiation rites ay dapat na may written notice ito sa paaralan pitong araw bago ang aktibidad at kailangang may kinatawan mula sa paaralan na sasaksi para matiyak na walang marahas na paraang gagamitin sa initiation.
Bukod dito, ipinag-uutos din ng panukala na dapat ay rehistrado sa mga otoridad ang fraternities, sororities at iba pang organisasyon na katulad nito sa loob man o labas ng paaralan.
Sakop din ng panukala ang mga organisasyon na mga nakabase sa komunidad tulad ng mga frat o gang ng mga kabataan sa mga barangay.
Isinulong naman ni Kabayan partylist Rep. Harry Roque na amyendahan ang parusa sa mga lumalabag mula sa paunang 20 hanggang 40 taong pagkabilanggo sa reclusion perpetua.
“Ang aking iminumungkahing susog, kung ito ay magdudulot ng kamatayan, paggahasa, sodomy o pinsala, ay dapat na reclusion perpetua,” sabi ni Roque.
Ang naturang bill ay kaugnay sa imbestigasyon ng Kongreso sa pagkamatay ni UST law student Horacio Tomas “Atio” Castillo III mula sa diumano’y hazing ng Aegis Juris fraternity.
- Latest