Shabu lab sa Cainta, ni-raid
MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay, na inuupahan umano ng mga dayuhan, matapos matuklasang ginagawa pala itong laboratoryo ng shabu sa Cainta, Rizal, kamakalawa ng gabi.
Isinagawa nang pinagsanib na pwersa ng Cainta police, Special Weapons and Tactics (SWAT) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagsalakay sa dalawang palapag na tahanan na matatagpuan sa Amadeo Street, kanto ng Alfonso Street, Vista Verde Village sa Cainta, bago maghatinggabi nitong Martes.
Bigo naman ang mga awtoridad na maaresto ang mga di kilalang Chinese at Korean-looking men na sinasabing siyang umuupa sa naturang tahanan, dahil wala na sila sa lugar nang dumating doon ang raiding team.
Gayunman, nakumpiska ng mga awtoridad ang mga kemikal na sangkap at mga aparato sa paggawa ng shabu, na maaari umanong makagawa ng mula 50 kilo hanggang 100 kilo ng shabu sa loob lamang ng isang linggo, at tinatayang nagkakahalaga ng hanggang P250 milyon.
Ayon kay Cainta Chief of Police P/Supt. Elpidio Ramirez, nakipag-ugnayan sa kanila ang may-ari ng tahanan, na hindi pinangalanan, nang magduda na rin na may illegal na aktibidad na nagaganap sa pinauupahan niyang bahay.
- Latest