Trader patay sa pamamaril, pulis sugatan
MANILA, Philippines – Patay ang isang negosyante habang sugatan naman ang isang bagitong pulis matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang lalaki habang nag-iinuman sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Supt. Rodelio Marcelo, Chief ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District ang mga nasawing biktima na si Johnny Naigan, 36 at residente ng Purok 12, Unit 5, Brgy. Commonwealth ng lungsod na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center ang nasugatang si PO1 Ronilo Romero, 29, nakatalaga sa District Public Safety Battalion (DPSB) ng Manila Police District at residente ng Steve Street, Brgy. Commonwealth ng naturang siyudad.
Ayon kay Marcelo, naitala ang insidente sa may gate ng tahanan ng negosyante habang nag-iinuman ito at ang nasabing parak bandang alas-8:30 ng gabi.
Bigla na lamang sumulpot ang armadong lalaki at pinaputukan ng sunud-sunod ang mga biktima kung saan nasapul ng tama ng bala si Naigan na siya nitong ikinamatay.
Matapos ito ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang motibo ng krimen.
- Latest