Aguas lalaya na rin, release order isinilbi
MANILA, Philippines – Matapos na makalaya si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa pagkaka-house arrest sa Veteran’s Memorial Medical Center kamakalawa, lalaya na rin si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) accounting and budget manager Benigno Aguas kaugnay sa kinasangkutan nilang P365.9 milyong PCSO intelligence funds scam .
Ito’y matapos na isilbi kahapon ni Sandiganbayan Sheriff Onofre Tejada ang release order sa PNP Headquarters sa Camp Crame nang dumating siya sa Camp Crame dakong alas-5 ng hapon.
Si Aguas ay ikinulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame matapos kasuhan ng plunder kasama si Arroyo at dating PCSO Chairman Sergio Valencia.
Ang kasong pandarambong laban sa dating Pangulo at umano’y kasabwat nito sa illegal na paggamit umano ng P365.9 milyong intelligence funds ng PCSO mula 2008-2010 ay ibasura ng Korte Suprema dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya.
Makaraang makauwi sa kanyang tahanan sa Lavista Subdivision sa Quezon City, mag-alas-9 kamakalawa ng gabi nang agad na tumungo si Gng. Arroyo na unang na-diagnosed na may cervical spondylosis sa St. Lukes Medical Center at nagpasailalim sa executive check-up.
Inasahang mamamalagi ang dating Pangulo hanggang gabi sa naturang ospital hangga’t makumpleto ang pagususuri at sa mga proseso tulad ng chest X-ray, 2D Echo, ECG, at liver ultrasound gayundin ng blood tests at electromyography.
- Latest