Mga biyahe kinansela kay ‘Butchoy’
MANILA, Philippines - Dahil sa bagyong Butchoy, kinansela ng dalawang kumpanya ng domestic airlines ang paglipad ng kanilang eroplano sa Basco, Batanes kahapon.
Ayon sa ulat, ang PAL Express flight 2P-2084 na may biyaheng Manila-Basco at pabalik nito ay kinansela. Gayundin, ang eroplano ng SkyJet na may flight M8-819 Manila-Basco at pabalik ay kanselado rin.
Sa ulat ng PAGASA, napanatili ng bagyong Butchoy ang kanyang lakas habang palabas ng Pilipinas papunta sa direksyon ng Taiwan .
Alas-11 ng umaga kahapon, si Butchoy ay namataan ng PAGASA sa layong 235 kilometro ng silangan hilagang silangan ng Itbayat Batanes taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 220 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 255 kilometro bawat oras.
Si Butchoy ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Bunga nito, nakataas ang babala ng bagyo bilang 2 sa Batanes Group of islands at signal number 1 sa Calayan at Babuyan Group of Islands . Ang mga lugar na ito ay makakaranas ng masungit na panahon at mga pag-uulan kaya’t dapat mag-ingat ang mga residente dito.
Ngayong Biyernes, si Butchoy ay inaasahang nasa layong nasa 305 kilometro ng hilaga hilagang silangan ng Itbayat, Batanes at sa Sabado ay nasa layong 640 kilometro ng hilagang kanluran ng Itbayat, Batanes saka papuntang Taiwan o palabas ng bansa.
- Latest