Paglilibing kay ex- Pres. Marcos sa Libingan ng mga Bayani, tiniyak na
MANILA, Philippines – Nakatitiyak si outgoing Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magkakaroon ng “closure” sa kanilang pamilya at maging sa bansa kapag nailibing na ang kanyang ama sa Libingan ng mga Bayani.
Kinumpirma ni Marcos na tiyak na ang paglilibing sa kanyang ama sa Libingan ng mga Bayani matapos silang magka-usap ni President-elect Rodrigo Duterte kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Marcos, patuloy na nagkakahati-hati ang bansa dahil hindi pa nasasarahan ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa kanyang ama.
“This is something that has been somehow in the consciousness of the Filipino people. This continuing partisan exchange that has been going over 30 years can finally be put to rest. I think that is the significance,” pahayag ni Marcos.
Nagpapasalamat din umano siya kay Duterte dahil sa nauna nitong pahayag na papayagan ang paglilibing sa kanyang ama sa Libingan ng mga Bayani na matagal nang hinihingi ng kanilang pamilya pero hindi napagbigyan ng mga nagdaang administrasyon.
“Ako’y pumunta roon kasi ito ang unang pagkakataon ko na personal na magpasalamat sa kanya sa kanyang mga statement, unang-una tungkol sa libing ng aking ama,” pahayag pa ni Marcos.
Samantala, ipinahiwatig rin ni Marcos na sakaling alukin siya ng posisyon ni Duterte matapos ang “one year ban” kung kailan hindi siya maaaring magsilbi sa gobyerno matapos kumandidato noong nakaraang eleksiyon ay tatanggapin niya ito.
Matatandaang kumandidatong bise presidente ng bansa si Marcos pero hindi siya pinalakad at natalo ni incoming Vice President Leni Robredo.
- Latest