CBCP: ‘Wag iboto si Duterte!
‘Garapal siya’ - Poe
MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagtutol ang mga lider ng Simbahang Katoliko sa kandidatura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kasabay ng pagbatikos sa inilalako nitong plataporma ng pamumuno na nakabatay sa karahasan at labag sa mga turo ng Bibliya katulad ng pagpatay sa mga kriminal.
“Kahit ano pa ang motibo, ang pagpatay ay isang krimen at isang kasalanan, kriminal o awtoridad man, ang gumawa nito,” paalala pa ni Archbishop Socrates Villegas na pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines,” bilang paalala sa mga deboto at tagasunod ng simbahan sa ika-7 utos ng Diyos kay Moises: ‘Huwag kang papatay.’
Paalala pa ni Villegas, labag din sa utos ng Diyos ang lantarang pag-amin ni Duterte na isa siyang babaero.
Umani naman ng maanghang na batikos mula kay Sen. Grace Poe ang pagyayabang ni Duterte sa isang campaign rally hinggil sa mga nahuling grupo ng ‘rapists’ sa Davao City noong 1989 kung saan isa sa kanilang biktima ay isang Kristiyanong ‘lay woker’ mula sa Australia.
Sa nasabing insidente na kumalat na ngayon sa social media, nagalit ang publiko kung saan sa halip na maawa sa biktima at komprontahin ang mga suspect, sinabi pa ni Duterte na dapat ay “ang mayor” (siya) ang naunang humalay sa biktima, na aniya pa ay parang “artista.”
“Napakaganda! Dapat ang mayor muna ang nauna,” sambit pa ni Duterte.
Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na bilang isang babae, “garapal” (offensive) ang tinuran ng alkalde.
“It is distasteful and unacceptable, and reflects his disrespect for women. No one, whoever she is and whatever her looks may be, deserves to be raped and abused,” ani Poe.
Idinagdag pa ng senadora na hindi isang katawa-tawang bagay ang rape.
Sa panayam naman sa Cebu Daily News kamakailan, sinabi ni Fr. Crispin Mostajo, kura-paroko ng ‘Our Mother of Perpetual Help Church,’ na mas mainam kung hindi na muna tumanggap ng banal na komunyon si Duterte dahil sa pag-amin ng alkalde na handa itong magpapatay ng mga kriminal para patahimikin ang bansa.
- Latest