One Cebu kumalas sa UNA!
MANILA, Philippines - Tumiwalag ang One Cebu sa UNA at binawi ang buong suporta nito sa presidential candidacy ni Vice President Jejomar Binay.
Ito ang pahayag ng One Cebu sa pamamagitan ng gubernatorial bet nito na si Winston Garcia na gumulantang sa buong Cebu isang araw matapos ang mainit na presidential debate doon.
Ibinasura na rin ng One Cebu ang pakikipag-alyansa sa partido ni Binay, ang United Nationalist Alliance (UNA).
Sinabi ni Garcia na unanimous ang naging desisyon ng One Cebu matapos ang masusing deliberasyon ng mga opisyal at miyembro ng partido.
“Nakipag-alyansa kami sa UNA sa paniwalang ituturing nila kaming co-equal. Mali, maling-mali ang aming paniwala,” wika ni Garcia.
“Trinato ng UNA ang One Cebu tulad ng pagtrato ng ‘Imperial Manila’ sa ibang bahagi ng Pilipinas. For all intents and purposes, with absolute contempt and disrespect,” dagdag ni Garcia.
Sa simula’t-sapul ay itinuring ng UNA na “marriage of convenience” lang ang pakikipag-alyansa nito sa One Cebu, paliwanag ni Garcia.
“UNA obviously subscribes to traditional politics. We don’t! We reject traditional politics and everything that it stands for, that is, maintaining the status quo,” aniya.
Ibinunyag ni Garcia na hindi sinuklian ng UNA ang loyalty na ipinakita ng One Cebu, bagkus ay nagsagawa ito ng sorties sa Cebu nang lingid sa kaalaman ng One Cebu.
Ang masama pa ay ang pamamangka ng UNA sa dalawang ilog sa pakikipag-alyansa sa mga kandidatong kalaban ng One Cebu, anang gubernatorial bet.
“We are therefore constrained to rescind our alliance, and to work instead with those who are willing to share our core principles and philosophy to ensure victory for the Cebuanos,” nakasaad pa sa pahayag nito.
- Latest