40 probisyon sa BBL inalis
MANILA, Philippines – Mayroon nang 40 probisyon ng Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region (BLBAR) ang inamyendahan at inalis ng mga kongresista.
Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, kabilang sa mga inamyendahan sa BLBAR ang mismong titulo ng panukala mula sa dating Bangsamoro Basic Law (BBL) para alisin ang anumang indikasyon na magiging substate ang Bangsamoro.
Bukod dito, tuluyan na rin inalis ang lahat ng tungkol sa opt in provisions para maalis na ang pangamba sa creeping territorial expansion mula sa orihinal na mga lugar na sakop ng Bangsamoro.
Inalis na rin ang mga probisyon para sa pagtatag ng Bangsamoro command at Bangsamoro police para maging malinaw na ang mga sundalo at pulis sa bubuuing entity ay nasa ilalim pa rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Tinanggal din ang probisyon para sa pagtatag ng sariling Commission on Audit (COA), Civil Service Commission, Comelec at Ombudsman sa Bangsamoro.
Sa 40 mga probisyon na binago o inalis sa BLBAR, 28 dito ang hiniling ni MILF Chief Negotiator Mohager Iqbal na ibalik sa panukala.
Subalit ayon kay Rodriguez, hindi nila pagbibigyan ang nasabing hirit ng MILF.
- Latest