Problema sa trapik sa Las Piñas, pinaparesolba sa pulisya
MANILA, Philippines – Inalerto ni Las Piñas City Mayor Vergel ‘Nene’ Aguilar ang buong pwersa ng kapulisan upang higit na paigtingin ang checkpoints at resolbahin ang matinding trapik sa lungsod na isa sa mga pangunahing inirereklamo lalu na ngayong buwan ng Kapaskuhan.
Mariing ipinag-utos ni Aguilar kina Senior. Supt. Jesmar Modequillo, hepe ng Las Piñas City Police at sa Traffic Chief na si Police Inspector Albert Arevalo, na mahigpit na ipatupad ang batas trapiko partikular sa siyam na lugar na itinuturing na matindi ang trapik.
Kabilang dito ang Philam, Sta. Cecilia, Moonwalk, Casimiro, Manila Times, Christ the King Villages, Concha Cruz, Barangay BF International/CAA, Daang Hari ng Barangay Almanza 2, Barangay Zapote Junction at Barangay Pilar.
Dapat din umano paigtingin din aniya ang chokepoints sa nabanggit na mga lugar upang madakip ang mga traffic violator.
Binalaan din ni Aguilar ang mga kapulisan na nasa kanyang hurisdiksiyon, na huwag aniyang tangkaing mangotong, dahil mayroon aniyang kalalagyan ang mga ito.
Ang hakbangin ng alkalde ay matapos ulanin ito ng batikos mula sa kanyang mga kritiko dahil sa inirereklamo ang matinding trapik sa lungsod.
Ayon sa alkalde ang mga pribadong behikulo na may sticker lamang ang maaaring dumaan sa mga subdivision o villages, na itinuring ng pamalahaang lungsod na “friendship route” hanggang alas-12:00 ng madaling araw.
Bukod dito, inatasan din ni Aguilar, na paigtingin ang foot at mobile patrol sa mga establishment, malls at sa iba pang commercial places.
- Latest