Drilon sa SC: ‘wag muna kayong magbakasyon, kaso ni Poe, dinggin
MANILA, Philippines — Kung si Senate President Franklin Drilon ang tatanungin ay dapat ipagpaliban muna ng Korte Suprema ang kanilang bakasyon ngayong Kapaskuhan upang dinggin ang kaso ni Sen. Grace Poe.
Pinayuhan ni Drilon ngayong Huwebes si Poe na iapela na kaagad sa Commission on Elections en banc ang pagdiskwalipika sa kaniya ng 2nd Division ng poll body.
Dagdag niya na kailangan na rin ng senadora na idiretso ito sa mataas na hukuman.
"Iyan ang importante, para sa akin na sa lalong madaling panahon ay dedesisyunan ito ng final ng Korte Suprema. Ipagpaliban po siguro muna nila ang kanilang bakasyon, ang Christmas break, para lang po madesisyunan ito dahil kinabukasan ng ating bayan, ng ating pamahalaan ang nakasalalay dito," wika ni Drilon sa kaniyang panayam sa dzRH.
Sinabi ni Drilon na ang Korte Suprema ang may pinakahuling desisyon sa disqualification case ni Poe at nakabase dito ang pagpapaimprenta ng balota sa 2016 elections.
"Kapag nagkagulo either way, halimbawa, eh 'yung printing ng balota ay wala ang pangalan ni Sen.Grace Poe tapos ang sabi ng Korte Suprema ay dapat kasama siya, naloko na tayo. The opposite is also true," paliwanag ng senate president.
Samantala, pinabulaanan din ni Drilon na may kinalaman ang kaniyang Liberal Party (LP) sa naging desisyon ng 2nd Division.
Sinabi niya na isa sa mga bumoto pabor sa kaniya ay si Sen. Benigno "Bam" Aquino IV na isa ring miyembro ng LP.
- Latest