SC kinondena ang pagpatay sa Malolos RTC judge
MANILA, Philippines – Tiniyak ng Korte Suprema ngayong Huwebes na mabibigyan ng hustisya ang pagpaslang kay Regional Trial Court (RTC) Branch 84 Judge Wilfredo Nieves.
“The Court condemns in the strongest terms the killing of Judge Nieves and calls on the authorities concerned to take all necessary steps with all deliberate speed to do justice for Judge Nieves by fully investigating the killing,” pahayag ng SC.
Sinabi ni Court Administrator Jose Midas Marquez na pinakiusapan na nila si Deputy Court Administrator Raul Villanueva na magtungo ng Bulacan upang mangalap ng mga detalye sa pagpaslang kay Nieves.
Itinumba ang hukom kahapon habang pauwi mula sa trabaho si Nieves.
Lulan ng kaniyang sasakyan ang biktima nang harangin ng hindi pa nakikilalang mga suspek at pagbabarilin sa may bahagi ng MacArthur Highway, Barangay Ticay, Malolos City.
Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Nieves na kaagad niyang ikinasawi.
Si Nieves ang naghatol ng 30 taong pagkakakulong kay Raymund Dominguez, pinuno ng isang carjacking syndicate.
Nitong Setyembre, pinaslang naman si Baler, Aurora RTC Judge Erwin Alaba habang patungo naman sa kaniyang trabaho.
- Latest