Albay, napiling host ng 2015 PATA tourism conference
LEGAZPI CITY, Philippines – Napili ng Pacific Asia Travel Association (PATA) ang Albay na maging host ng New Tourism Frontiers Forum 2015 na gaganapin sa Nobyembre 25-27 sa Oriental Hotel sa lungsod na ito. Tinalo nito ang maraming karibal sa Asia Pacific region na nais maging host ng kumperensiya.
Ang PATA ang pangunahing travel organization sa Asia Pacific. Kabilang nito ang halos 1,000 kaalyadong mga grupo, paaralan, hospitality agencies, tourism destinations, mga corporate, government and industrial links; at mga 70 airlines.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, bukod sa mga economic benefits para sa lalawigan, lalong pinatitibay din ng naturang kumperensiya and reputasyon ng Albay bilang pangunahing “tourism growth area” ng bansa at “showcase” ng mabisang estratehiya ng paglaban sa pananalantang dulot ng climate change, kasama na ang makabagong sistema sa pagpapalago ng turismo.
Dadaluhan ang PATA conference sa Albay ng mga “world tourism experts and players.” Tatalakayin dito ang mga kasalukuyan at umuusbong na mga isyu kaugnay sa ‘travel, adventure, and responsible tourism,” dahil nga sa mga panganib na dulot ng pagbabago ng panahon at matitinding bagyong likha ng climate change.
“Bilang host ng 2015 PATA Conference, karangalan ng Albay ang maibahagi ang mga karanasan nito sa mabisang paglaban at pagtagumpayan ang mga pananalantang dulot ng climate change,” pahayag ni Salceda.
Idineklara ng DOT ang Albay bilang “fastest growing tourist destination” ng Pilipinas.
Nagtala ito ng 47 percent tourism growth noong 2012; 66% noong 2013; at 52% sa unang kalahati ng 2014. Itinuturing na “amazing” ang pagdagsa ng mga dayuhang turista na ang bilang ay lumobo sa 339,000 noong 2014 mula sa 8,700 lamang noong 2006. Sa loob ng naturang panahon, naisulong din ni Salceda ang pagpagawa ng 320 kilometrong mga kalsada na nagbukas sa mga bago at naiibang mga tourism destinations sa Albay.
- Latest